Add parallel Print Page Options

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)

22 Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao.

23 Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa.

24 Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan[a] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.

25 Nang madaling-araw na[b] ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

26 At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot.

27 Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”

28 Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”

29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.

30 Ngunit nang mapansin niya ang hangin,[c] natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”

31 Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

32 Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin.

33 Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 14:24 Sa ibang mga kasulatan ay nasa laot na ng dagat .
  2. Mateo 14:25 Sa Griyego ay ikaapat na pagbabantay sa gabi .
  3. Mateo 14:30 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong salitang malakas .

15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)

16 Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat.

17 Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus.

18 Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip.

19 Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro[a] ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot,

20 subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito; huwag kayong matakot.”

21 Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan.

Read full chapter

Footnotes

  1. Juan 6:19 Sa Griyego ay may dalawampu't lima at tatlumpung estadia .