Add parallel Print Page Options

Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)

Samantalang (B) nasa Betania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakaupo siya sa may hapag-kainan ay dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng pabango. Mamahalin ang pabangong ito na mula sa katas ng purong nardo. Binasag ng babae ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Ngunit may ilan doong galit na nagsabi sa isa't isa, “Bakit sinayang nang ganyan ang pabango? Maaari sanang ipagbili ang pabangong iyan ng higit sa tatlong daang denaryo[a] at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At kanilang pinagalitan ang babae. Ngunit sinabi ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Hayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. Lagi (C) ninyong kasama ang mga dukha, at kapag nais ninyo, maaari ninyo silang gawan ng mabuti! Ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Ginawa niya ang kanyang makakaya. Binuhusan na niya ako ng pabango bilang paghahanda sa aking libing. Tinitiyak ko sa inyo, saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, sasabihin ang ginawa ng babaing ito bilang pag-alaala sa kanya.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 14:5 “denaryo” ay katumbas ng halos isang taong sahod ng karaniwang manggagawa.

Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo

36 Isang Fariseo ang nag-anyaya kay Jesus na kumaing kasalo niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo ay umupo siya sa hapag. 37 Isang babaing makasalanan ang nakatira sa lungsod na iyon. At dahil alam nitong kumakain si Jesus doon sa bahay ng Fariseo ay nagdala ito ng pabango sa sisidlang alabastro. 38 Tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus, at unti-unting binasá ang mga paa nito ng kanyang luha. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok at pinaghahagkan ang mga paa ni Jesus at pinahiran iyon ng pabango. 39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung propeta nga ang taong ito, dapat ay alam niya kung sino at anong uring babae itong humahawak sa kanya sapagkat ito ay makasalanan.” 40 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” “Sige po Guro,” sagot ni Simon. 41 “May dalawang umutang sa isang tao. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo at ang isa naman ay limampu. 42 Nang hindi makabayad, kapwa sila pinatawad. Sino ngayon sa kanila ang higit na magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad nang mas malaki.” At sinabi niya rito, “Tama ang iyong pagkaunawa.” 44 Pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa. Ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng kanyang mga buhok. 45 Hindi mo ako hinagkan, ngunit mula nang pumasok ako ay hindi pa siya humihinto nang kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo ngunit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang mga kasalanan ay pinatawad na; kaya naman nagmahal siya nang higit. Ngunit ang pinatawad nang kaunti ay magmamahal nang kaunti.” 48 Pagkatapos ay sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 49 Nagsimulang magtanong sa isa't isa ang mga kasalo niya, “Sino ba ang taong ito at nagpapatawad pa ng kasalanan?” 50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.”

Read full chapter

Ang Kasalan sa Cana

Nang ikatlong araw, nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus. Inanyayahan din sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. At nang kinulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala na silang alak.” Kaya't sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, ano'ng kinalaman nito sa akin at sa iyo? Hindi pa ito ang aking panahon.” Kinausap ng kanyang ina ang mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya.” Mayroon doong anim na banga na ginagamit ng mga Judio sa paglilinis ayon sa Kautusan. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galong tubig. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nga nila ang mga ito hanggang halos umapaw. At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ngayon, kumuha kayo, at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Kaya iyon nga ang ginawa nila.

Read full chapter