Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(B) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[a]

38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[b]

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 6:37 SALAPING PILAK: Sa Griego ay dinaryo na katumbas ng isang araw na sahod ng isang manggagawa.
  2. Marcos 6:44 ng tinapay: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at ibinalita sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Napakaraming tao ang dumarating at umaalis, at halos wala na silang panahong makakain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa karamihan upang makapagpahinga kayo kahit sandali.” 32 Sumakay sila sa isang bangka at nagtungo sa isang ilang na lugar. 33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakakilala sa kanila. Nagtakbuhan ang mga tao mula sa lahat ng bayan at nauna pang dumating sa pupuntahan nina Jesus. 34 Pagbaba (B) ni Jesus sa pampang ay nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad ng mga tupang walang pastol. At marami siyang itinuro sa kanila. 35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ilang ang pook na ito, at gumagabi na. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makabili ng makakain sa mga karatig-nayon.” 37 Ngunit sumagot si Jesus, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Makabibili ba tayo ng dalawandaang denaryong[a] halaga ng tinapay upang mapakain ang mga taong ito? ” 38 “Ilang tinapay ang dala ninyo?” tanong ni Jesus. “ Tingnan nga ninyo.” Pagkatapos tingnan ay sinabi nila sa kanya, “Limang tinapay, at dalawang isda.” 39 Inutusan ni Jesus ang mga alagad na paupuin ang mga tao nang pangkat-pangkat sa luntiang damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao, tig-iisandaan at tiglilimampu bawat pangkat. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, nagpasalamat, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda upang ipamahagi sa lahat. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Tinipon ng mga alagad ang mga lumabis, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 44 Limang libong lalaki ang nakakain ng tinapay.

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 6:37 Tingnan ang Talaan ng mga Salita.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

10 Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. 11 Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.

12 Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi nila, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa liblib na lugar po tayo.”

13 Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”

Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay at dalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” 14 Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.

Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.”

15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.

Read full chapter

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)

10 Nang bumalik ang mga apostol ay ibinalita nila kay Jesus ang kanilang ginawa. Sila ay kanyang isinama at palihim na nagtungo sa isang bayan na kung tawagin ay Bethsaida. 11 Subalit nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kanya. Sila ay malugod naman niyang tinanggap at ipinahayag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga may karamdaman. 12 Nagsisimula nang matapos ang araw nang lumapit sa kanya ang labindalawa at nagsabi, “Pauwiin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga nayon at karatig-pook, nang sa gayo'y makahanap sila ng matutuluyan at makakain. Tayo po'y nasa ilang na lugar.” 13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila sa kanya, “Wala po tayong dalang anuman kundi limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung aalis kami at bibili ng pagkain para sa mga taong ito.” 14 Sapagkat halos limang libong kalalakihan ang naroroon. At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pangkat-pangkat na tiglilimampu.” 15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Nang tipunin ang mga lumabis ay napuno ang labindalawang kaing.

Read full chapter

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.

Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak[a] ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”

Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” 10 “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang mga tao; sa kanila'y may humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog. 12 Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” 13 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing mula sa limang tinapay na sebada.

14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang darating sa sanlibutan!”

Read full chapter

Footnotes

  1. Juan 6:7 SALAPING PILAK: Ito ay katumbas ng maghapong sahod ng isang karaniwang manggagawa.

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo

Matapos ang mga pangyayaring ito pumunta si Jesus sa kabilang bahagi ng lawa ng Galilea na tinatawag ding lawa ng Tiberias. Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, dahil nakita nila ang mga himala na kanyang ginawa sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo kasama ng kanyang mga alagad. Nalalapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio. Paglingon ni Jesus, nakita niyang lumalapit sa kanya ang napakaraming tao kung kaya sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Alam na ni Jesus ang kanyang gagawin, ngunit sinabi niya iyon upang subukin si Felipe. Sumagot ito, “Kulang po ang tinapay na mabibili ng dalawang daang denaryo[a] upang makakain kahit kaunti ang mga taong ito.” Si Andres na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya, “May isang bata po rito na may limang tinapay na sebada[b] at dalawang isda, ngunit sapat ba ito para sa napakaraming tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Sa lugar na iyon ay maraming damo, kaya naupo ang mga lalaking may limang libo ang bilang. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay, at matapos magpasalamat, ipinamigay niya sa mga nakaupo; ganoon din ang ginawa niya sa mga isda. Kumuha ang mga tao hangga't ibig nila. 12 Nang mabusog sila, inutusan niya ang kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga sobrang pagkain upang walang masayang.” 13 Kaya tinipon nga nila ang mga sumobrang pagkain, at mula sa limang pinagpira-pirasong tinapay ay nakapuno sila ng labindalawang kaing. 14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Ito nga talaga ang propetang darating sa sanlibutan!”

Read full chapter

Footnotes

  1. Juan 6:7 Ang isang denaryo ay katumbas ng sahod ng manggagawa sa isang araw.
  2. Juan 6:9 Sebada: ito ay harinang ginagamit ng mga mahihirap.