Add parallel Print Page Options

Ipinako sa Krus si Jesus(A)

21 Habang naglalakad sila, nasalubong nila ang isang tao na galing sa bukid. Siyaʼy si Simon na taga-Cyrene, na ama ni Alexander at ni Rufus. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Pagkatapos, dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo.” 23 Pagdating nila roon, binigyan nila si Jesus ng alak na may halong mira,[a] pero hindi niya ito ininom. 24 Ipinako nila sa krus si Jesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. 25 Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus. 26 May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. 28 [Sa pangyayaring ito, natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Napabilang siya sa mga kriminal.”]

29 Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sabay sabi, “O ano ngayon? Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? 30 Bumaba ka sa krus at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Ganito rin ang pangungutya ng mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili! 32 Tingnan nga natin kung makakababa sa krus ang Cristong ito na hari raw ng Israel! Kapag nakababa siya, maniniwala na tayo sa kanya.” Maging ang mga ipinakong kasabay niya ay nang-insulto rin sa kanya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 15:23 mira: Maaaring itoʼy panlunas sa sakit at hapdi.

Ipinako si Jesus sa Krus(A)

21 Naglalakad (B) noon galing sa bukid si Simon na taga-Cirene, ama ni Alejandro at ni Rufo. Pinilit nila itong pasanin ang krus ni Jesus. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ibig sabihin ay "Pook ng Bungo." 23 Binigyan nila siya ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya ito tinanggap. 24 At (C) siya'y kanilang ipinako sa krus, pinaghati-hatian ang kanyang mga damit at nagpalabunutan kung kanino ito mapupunta. 25 Ikasiyam ng umaga[a] nang siya'y ipako sa krus. 26 Nakasulat sa taas nito ang sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Dalawang tulisan ang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa gawing kanan, at isa sa kanyang kaliwa. 28 [At (D) natupad ang sinasabi ng kasulatan: Siya'y ibinilang sa mga salarin.][b] 29 Hinamak (E) siya ng mga nagdaraan, at umiiling na sinasabi, “Ah! Ikaw na gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, 30 bumaba ka mula sa krus, at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili. 32 Hayaan nating bumaba ngayon mula sa krus ang Cristong Hari ng Israel para makita natin at maniwala tayo sa kanya.” Nilait din siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 15:25 Sa Griyego, ikatlong oras.
  2. Marcos 15:28 Wala ang talatang ito sa ibang mas naunang manuskrito.

Ipinako sa Krus si Jesus(A)

26 Nang dinadala na ng mga sundalo si Jesus sa lugar na pagpapakuan sa kanya, nasalubong nila si Simon na taga-Cyrene na kagagaling lang sa bukid. Dinakip nila ito, at sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Jesus.

27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming tao, kabilang ang mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya. 28 Pero lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Kayong mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang iyakan ninyo ay ang mga sarili ninyo at ang inyong mga anak. 29 Sapagkat darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Mapalad ang mga babaeng walang anak at walang pinasususong sanggol.’ 30 Sa mga araw na iyon ay sasabihin ng mga tao sa mga bundok at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’[a] 31 Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan,[b] ano pa kaya sa mga taong may kasalanan?”[c]

32 Dalawa pang kriminal ang dinala nila upang pataying kasama ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na “Bungo,” ipinako nila sa krus si Jesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Jesus at ang isa ay sa kaliwa. 34 [Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus. 35 Habang nakatayo ang mga tao roon at nanonood, iniinsulto ng mga tagapamahala ng bayan si Jesus. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga talaga ang Cristong pinili ng Dios!” 36 Ininsulto rin siya ng mga sundalo at binigyan ng maasim na alak, 37 at sinabi pa nila sa kanya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!” 38 May karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Ito ang Hari ng mga Judio.”

39 Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!” 40 Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Dios? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. 41 Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” 42 Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” 43 Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 23:30 Hos. 10:8.
  2. 23:31 sa akin na walang kasalanan: sa literal, sa sariwang kahoy.
  3. 23:31 sa mga taong may kasalanan: sa literal, sa tuyong kahoy.

Ipinako sa Krus si Jesus(A)

26 Habang dinadala nila si Jesus, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na galing noon sa bukid at ipinapasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus. 27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming mga tao, kabilang ang mga babaing nagdadalamhati at nananaghoy para sa kanya. 28 Lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ako ang iyakan ninyo kundi ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29 Sapagkat tiyak na darating ang mga araw kung kailan sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa sandaling iyon ay magsisimula silang magsabi sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ginawa nila ang mga ito sa sariwang kahoy, ano ang mangyayari kung ito ay tuyo?”

32 Dalawa pang salarin ang kanilang dinala upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, doon nila siya ipinako sa krus kasama ng mga salarin, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 [At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][a] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghatian ang kanyang damit. 35 Nakatayong nanonood ang mga tao. Ngunit nilibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilibak din siya ng mga kawal, nilalapitan siya at inaalok ng maasim na alak. 37 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” 38 May nakasulat din sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” 39 Isa sa mga salaring nakapako ang nagpatuloy sa paglait sa kanya. Sinabi nito, “Hindi ba't ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili; iligtas mo rin kami.” 40 Ngunit sinaway siya ng isa, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos gayong ikaw ay pinarurusahan din gaya niya? 41 Tama lang tayong maparusahan sapagka't dapat nating pagbayaran ang ating ginawa; ngunit ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” 43 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo, ngayon di'y makakasama kita sa Paraiso.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 23:34 Sa ibang naunang manuskrito ay wala ang bahaging ito.

17 palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Jesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na “Lugar ng Bungo” (na sa wikang Hebreo ay Golgota). 18 Doon nila ipinako sa krus si Jesus, kasama ng dalawa pa. Sa kanan ang isa at ang isa namaʼy sa kaliwa, at nasa gitna nila si Jesus. 19 Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit lang sa lungsod ang lugar kung saan ipinako sa krus si Jesus. 21 Nagreklamo ang mga namamahalang pari kay Pilato, “Hindi dapat ‘Hari ng mga Judio’ ang isinulat nʼyo kundi, ‘Sinabi ng taong ito na siya raw ang hari ng mga Judio.’ ” 22 Pero sinagot sila ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na.”

23 Nang maipako na ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kanyang damit at hinati-hati sa apat, tig-isang bahagi ang bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit-panloob niya; hinabi ito nang buo at walang tahi o dugtong. 24 Sinabi ng isang sundalo, “Huwag na natin itong paghatian. Magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa Kasulatan,

    “Pinaghati-hatian nila ang aking damit,
    at nagpalabunutan sila para sa aking damit-panloob.”[a]

At ito nga ang ginawa ng mga sundalo.

25 Nakatayo malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala.[b] 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang tagasunod, sinabi niya, “Babae, ituring mo siyang anak.” 27 At sinabi naman niya sa tagasunod niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito.

Read full chapter

Footnotes

  1. 19:24 Salmo 22:18.
  2. 19:25 Maria na taga-Magdala: Sa ibang salin ng Biblia, Maria Magdalena.

17 Habang pasan ni Jesus ang krus, lumabas siya tungo sa Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgotha. 18 Ipinako nila roon si Jesus, kasama ang dalawa pa, ang isa ay nasa kanan niya, at ang isa ay sa kaliwa. 19 Sumulat si Pilato ng ganitong pahayag at inilagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazareth, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin at Griyego. Maraming Judio ang nakabasa sa pahayag na ito sapagkat malapit sa lungsod ang lugar na pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinabi ng taong ito, “Ako ang Hari ng mga Judio.” ’ ” 22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.” 23 Pagkatapos ipako ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang damit niya at hinati ito sa apat na bahagi, isa para sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang damit-panloob; wala itong tahi at hinabi nang buo mula sa itaas. 24 (A)Kaya sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin; magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Naganap ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. 25 Samantala, nakatayong malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid nitong si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal na nakatayo sa tabi nito, sinabi niya sa kanyang ina, “Ginang, narito ang iyong anak.” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula noon, kinupkop na ng alagad si Maria sa kanyang tahanan.

Read full chapter