Add parallel Print Page Options

Ipinako si Jesus sa Krus(A)

21 Pinilit(B) nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus.[a]

22 Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’

23 At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon.

24 Siya'y(C) kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa.

25 Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus.

26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.”

27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa.

28 [At(D) natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.]

29 Siya'y(E) nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw,

30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”

31 Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili.

32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 15:21 Sa Griyego ay niya .

Ipinako si Jesus(A)

26 Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.

27 Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.

28 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.

29 Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’

30 At(B) sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’

31 Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?

32 Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.

33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.

34 [Sinabi(C) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.

35 Nakatayong(D) nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”

36 Nililibak(E) din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,

37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”

38 Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”

39 Patuloy siyang pinagtawanan[a] ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”

40 Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?

41 Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”

42 Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”

43 At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 23:39 o nilalapastangan .

17 Kinuha nila si Jesus, at siya'y lumabas na pasan niya ang krus, patungo sa tinatawag na Pook ng Bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota.

18 Doon ay kanilang ipinako siya at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawat tagiliran, at sa gitna nila ay si Jesus.

19 Sumulat din si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa itaas ng krus. At ang nakasulat ay “Jesus na Taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.”

20 Marami sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagkat ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod, at ito'y isinulat sa Hebreo, sa Latin, at sa Griyego.

21 Kaya't sinabi kay Pilato ng mga punong pari ng mga Judio, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinasabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”

22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.”

23 Nang maipako ng mga kawal si Jesus, kanilang kinuha ang kanyang mga kasuotan at hinati sa apat na bahagi, sa bawat kawal ay isang bahagi. Gayundin ang tunika, at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.

24 Kaya't(A) sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin, kundi tayo'y magpalabunutan kung kanino mapupunta.” Ito ay upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi,

“Pinaghatian nila ang aking mga kasuotan,
    at ang aking balabal ay kanilang pinagpalabunutan.”

25 Ang mga bagay na ito ay ginawa ng mga kawal.

Samantala, nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina, at ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.

26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal, na nakatayong katabi niya ay sinabi niya sa kanyang ina, “Babae, narito ang iyong anak!”

27 Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” At mula noon ay dinala siya ng alagad sa kanyang sariling tahanan.

Read full chapter