Add parallel Print Page Options

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

43 Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda.

44 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, “Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay.”

45 Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, “Rabi,” at siya'y kanyang hinalikan.

46 Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip.

47 Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga.

48 Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan?

49 Araw-araw(B) ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.”

50 Iniwan siya ng lahat at tumakas sila.

Read full chapter

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

47 Samantalang nagsasalita pa siya, dumating ang maraming tao, at ang lalaking tinatawag na Judas, na isa sa labindalawa ay nangunguna sa kanila. Siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan;

48 subalit sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49 Nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari ay kanilang sinabi, “Panginoon, mananaga ba kami sa pamamagitan ng tabak?”

50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang kanang tainga nito.

51 At sumagot si Jesus, “Tigil! Tama na!” At hinawakan niya ang tainga at pinagaling siya.

52 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga punong-kawal sa templo, at sa matatanda, na dumating laban sa kanya, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?

53 Nang(B) ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, hindi ninyo binuhat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ito ang inyong oras, at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Read full chapter

Kaya't si Judas ay nagdala ng pulutong ng mga kawal at ng mga punong-kawal mula sa mga punong pari at mga Fariseo, at pumunta roon na may mga ilawan, mga sulo, at mga sandata.

Si Jesus na nakakaalam ng lahat ng mga bagay na mangyayari sa kanya ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, “Sino ang inyong hinahanap?”

Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako nga iyon.” Si Judas na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila.

Nang sabihin ni Jesus sa kanila, “Ako nga,” umurong sila at bumagsak sa lupa.

Kaya't muli niyang tinanong sila, “Sino ang inyong hinahanap?” At sinabi nila, “Si Jesus na taga-Nazaret.”

Sumagot si Jesus, “Sinabi ko sa inyo na, ‘Ako nga’. Kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.”

Ito ay upang matupad ang salitang sinabi niya, “Sa mga ibinigay mo sa akin ay wala akong iwinala kahit isa.”

10 Pagkatapos, si Simon Pedro na may tabak ay hinugot ito, at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinagpas ang kanyang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malco.

11 Kaya't(A) sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kaluban. Hindi ko ba iinuman ang kopang ibinigay sa akin ng Ama?”

Si Jesus sa Harap ni Anas

12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang kapitan, at ng mga punong-kawal ng mga Judio.

Read full chapter