Add parallel Print Page Options

Ang Panalangin sa Getsemani(A)

32 Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at ako'y halos mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.”

35 Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. 36 Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”

37 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? 38 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”

39 Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. 40 Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya.

41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon kayo! Narito na ang magkakanulo sa akin.”

Read full chapter

Nanalangin si Jesus(A)

39 Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”

41 Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.][a]

45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 43-44 Sa ibang matatandang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga talatang 43 at 44.