Add parallel Print Page Options

Si Jesus sa Templo(A)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga namimili roon. Pinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi, pati na ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati. 16 Hindi niya pinahintulutang makapasok sa templo ang sinumang may mga dalang paninda. 17 Tinuruan (B) niya ang mga tao at sinabi niya, “Hindi ba nasusulat,

‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’
    Ngunit ginawa ninyo itong ‘pugad ng mga magnanakaw!’ ”

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Mula noon ay humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang humahanga sa kanyang turo. 19 Pagsapit ng gabi, lumabas ng lungsod si Jesus at ang kanyang mga alagad.

Read full chapter

Nilinis ni Jesus ang Templo(A)

45 Pumasok si Jesus sa templo, at sinimulan niyang itaboy ang mga nagtitinda roon. 46 Sinasabi niya sa kanila, “Nasusulat,

‘Ang tahanan ko ay magiging bahay-dalanginan;’
    ngunit ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw siyang nangangaral sa templo. Sinikap siyang patayin ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan, 48 ngunit wala silang matagpuang paraan upang maisagawa ito sapagkat ang mga tao ay nakatuon sa pakikinig sa kanya.

Read full chapter

Nilinis ni Jesus ang Templo(A)

13 (B)Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nadatnan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at mga mámamalit ng salapi. 15 Dahil dito, gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya ang lahat palabas ng templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ipinagtatapon niya ang mga salapi ng mga mámamalit at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo ang lahat ng ito! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.” 17 (C)At naalala ng kanyang mga alagad ang nasusulat, “Ang malasakit para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.” 18 Dahil dito, sinabi ng mga Judio sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin bilang dahilan para gawin mo ang mga bagay na ito?” 19 (D)Sumagot sa kanila si Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli kong itatayo.” 20 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Itinayo ang templong ito sa loob ng apatnapu't anim na taon, at itatayo mo ito sa loob lamang ng tatlong araw?” 21 Ngunit ang tinutukoy niyang templo ay ang kanyang katawan. 22 At nang siya'y binuhay mula sa kamatayan, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya't naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

Read full chapter