Add parallel Print Page Options

Ang Katuruan ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

10 Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng kanyang palaging ginagawa, sila'y kanyang tinuruan.

May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?”

Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?”

Sumagot(B) naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya hiwalayan at palayasin ang kanyang asawa.”

Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit(C) simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang niya ang tao na lalaki at babae. ‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, [magsasama sila ng kanyang asawa][a] at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

10 Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi(E) niya sa kanila, “Kapag hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12 Gayon din naman, ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)

13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan(G) ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.” 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(H)

17 Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam(I) mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan.”

21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.

23 Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na][b] makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”

28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”

29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit(J) maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.”

Ang Ikatlong Pagbanggit tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(K)

32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang ibang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33 Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

Ang Pagiging Dakila(L)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.

37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38 Ngunit(M) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”

39 “Opo,” tugon nila.

Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”

41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(N) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(O) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”

Pinagaling si Bartimeo(P)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.”

At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila.

50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.

51 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus.

Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.”

52 Sinabi ni Jesus, “Makakaalis ka na. Magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.”

Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

Footnotes

  1. 7 magsasama sila ng kanyang asawa: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  2. 24 para sa mga mayayaman na: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.

Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

10 Umalis doon si Jesus at tumawid sa ibayo ng Jordan at nagpunta sa lupain ng Judea. Muli siyang dinagsa ng napakaraming tao. Tulad ng kanyang nakasanayan, sila'y kanyang tinuruan. Ilang Fariseo ang dumating at nagtanong upang siya'y subukin, “Naaayon ba sa Kautusan na paalisin ng isang lalaki at hiwalayan ang kanyang asawa?” “Ano ba ang utos sa inyo ni Moises?” sagot ni Jesus. Sinabi (B) nila, “Pinahintulutan ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay ang lalaki at pagkatapos ay paalisin ang kanyang asawa.” Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso kaya isinulat ni Moises ang utos na iyon! Ngunit (C) sa simula pa ng paglikha ng Diyos sa sanlibutan, ‘nilalang sila ng Diyos na lalaki at babae.’ ‘Dahil (D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at sasamahan niya ang kanyang asawa. Silang dalawa ay magiging isang laman.’ At hindi na sila dalawa, kundi isa. Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” 10 Pagdating nila sa bahay, muli siyang tinanong ng mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi (E) niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya. 12 At kung humiwalay ang babae sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)

13 Dinala ng mga tao kay Jesus ang maliliit na bata upang kanyang hipuin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga tulad nila ang kaharian ng Diyos. 15 Tandaan (G) ninyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng pagtanggap sa maliit na bata ay hindi maaaring pumasok doon.” 16 Kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(H)

17 Sa pagpapatuloy ni Jesus sa paglalakbay, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya, lumuhod sa kanyang harapan, at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti maliban sa isa—ang Diyos. 19 Alam (I) mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; Huwag kang mandadaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 20 “Guro,” sabi ng lalaki, “Ginampanan ko po ang lahat ng iyan mula pa sa aking kabataan.” 21 Sa pagtingin ni Jesus sa lalaki, minahal niya ito at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay mo ang salapi sa mga dukha. Sa gayon, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nanlumo ang lalaki dahil sa sinabing ito, at umalis siyang nalulungkot sapagkat marami siyang ari-arian. 23 Tumingin si Jesus sa paligid, at sinabi sa mga alagad, “Napakahirap para sa mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 24 Namangha ang mga alagad sa sinabing ito ni Jesus. Ngunit muling nagsalita si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Lalong nagtaka ang mga alagad, at sinabi nila sa isa't isa, “Kung gayo'y sino ang maaaring maligtas?” 27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Hindi ito kayang gawin ng tao; ngunit kaya ng Diyos. Sapagkat lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 28 Nagsimulang magsabi si Pedro kay Jesus, “Tingnan po ninyo. Iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain, dahil sa akin at dahil sa Magandang Balita, 30 na hindi tatanggap sa panahong ito ng makaisandaang ulit ng mga bahay, mga kapatid, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating ay tatanggap siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit (J) maraming nauuna ang mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”

Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(K)

32 Nauuna sa kanila si Jesus sa daang paakyat sa Jerusalem. Namamangha ang mga alagad at natatakot naman ang mga sumusunod sa kanya. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay ang nakatakdang mangyayari sa kanya. 33 Sinabi niya, “Ngayon, papunta tayo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya'y kanilang kukutyain, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(L)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, ipagkaloob mo po sana ang anumang hihilingin namin sa iyo.” 36 “Ano ang nais ninyong gawin ko?” tanong ni Jesus. 37 Sumagot ang magkapatid, “Ipagkaloob ninyong makaupo kami, isa sa kanan at isa sa kaliwa sa inyong kaluwalhatian.” 38 Subalit (M) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iinuman ko, at mabautismuhan sa bautismong daranasin ko?” 39 “Kaya namin,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Iinuman nga ninyo ang kopang iinuman ko, at babautismuhan kayo sa bautismong daranasin ko. 40 Ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob. Iyan ay nakalaan para sa mga pinaghandaan nito.” 41 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan. 42 Kaya't (N) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga kinikilalang pinuno ng mga Hentil ay silang pinapanginoon nila at ang mga dakila sa kanila ang nasusunod sa kanila. 43 Subalit (O) hindi dapat ganyan sa inyo. Sa halip, ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo; 44 at ang sinumang nais maging una ay kailangang maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(P)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang paalis na siya sa lugar na iyon kasama ang mga alagad at marami pang iba, naroong nakaupo sa tabing daan ang isang bulag na pulubing may pangalang Bartimeo, anak ni Timeo. 47 Nang marinig niyang naroon si Jesus na taga-Nazareth, nagsimula siyang sumigaw, “Jesus, anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 48 Maraming sumaway sa kanya upang siya'y tumahimik. Ngunit lalo siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 49 Huminto si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nga nila ang bulag at sinabi sa kanya, “Matuwa ka! Tumayo ka at tinatawag ka niya.” 50 Pagkahagis sa kanyang balabal, agad tumayo ang bulag at lumapit kay Jesus. 51 “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang lalaki, “Rabboni,[a] nais ko pong makakita muli.” 52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli; pagkatapos ay sumunod siya kay Jesus sa daan.

Footnotes

  1. Marcos 10:51 Salitang Aramaico na ang kahulugan ay aking guro.