Add parallel Print Page Options

Ang Pagiging Dakila(A)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.

37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38 Ngunit(B) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”

39 “Opo,” tugon nila.

Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”

41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(C) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(D) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”

Read full chapter

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(A)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, ipagkaloob mo po sana ang anumang hihilingin namin sa iyo.” 36 “Ano ang nais ninyong gawin ko?” tanong ni Jesus. 37 Sumagot ang magkapatid, “Ipagkaloob ninyong makaupo kami, isa sa kanan at isa sa kaliwa sa inyong kaluwalhatian.” 38 Subalit (B) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iinuman ko, at mabautismuhan sa bautismong daranasin ko?” 39 “Kaya namin,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Iinuman nga ninyo ang kopang iinuman ko, at babautismuhan kayo sa bautismong daranasin ko. 40 Ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob. Iyan ay nakalaan para sa mga pinaghandaan nito.” 41 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan. 42 Kaya't (C) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga kinikilalang pinuno ng mga Hentil ay silang pinapanginoon nila at ang mga dakila sa kanila ang nasusunod sa kanila. 43 Subalit (D) hindi dapat ganyan sa inyo. Sa halip, ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo; 44 at ang sinumang nais maging una ay kailangang maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Read full chapter