Add parallel Print Page Options

12 Alalahanin mo ang lumikha sa iyo habang bata ka pa at bago dumating ang panahon ng kahirapan at masabi mong, “Hindi ako masaya sa buhay ko.” Alalahanin mo siya bago dumilim ang araw, ang buwan at ang mga bituin na parang natatakpan ng makakapal na ulap. Darating ang araw na manginginig ang iyong mga bisig[a] at manghihina ang iyong mga tuhod.[b] Hindi ka na makakanguyang mabuti dahil iilan na lang ang iyong ngipin.[c] At lalabo na ang iyong paningin.[d] Ang tainga[e] moʼy hindi na halos makarinig, kahit ang ingay ng gilingan o huni ng mga ibon o mga awitin ay hindi na marinig. Matatakot ka ng umakyat sa matataas na lugar o lumakad sa lansangan ng nag-iisa. Puputi na ang iyong buhok, hindi ka na halos makakalakad at mawawala na ang lahat ng iyong pagnanasa. Sa bandang huli, pupunta ka sa iyong tahanang walang hanggan at marami ang magluluksa para sa iyo sa mga lansangan. Kaya alalahanin mo ang Dios habang nabubuhay ka, habang hindi pa nalalagot ang kadenang pilak at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan, o hindi pa nalalagot ang tali ng timba sa balon, at nasisira ang kalo nito. Kung magkagayon, babalik ka sa lupa kung saan ka nagmula at ang espiritu[f] moʼy babalik sa Dios na siyang nagbigay nito.

Sabi ng mangangaral,[g] “Walang kabuluhan! Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”

Paggalang at Pagsunod sa Dios

Bukod sa pagiging marunong nitong mangangaral, itinuturo din niya sa mga tao ang lahat ng kanyang nalalaman. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihang binanggit niya rito. 10 Pinagsikapan niyang gamitin ang mga nararapat na salita, at ang lahat ng isinulat niya rito ay tama at totoo. 11 Ang mga salita ng marunong ay parang matulis na tungkod na pantaboy ng pastol sa paggabay sa kanyang kawan o parang pakong nakabaon. Ibinigay ito ng Dios na tangi nating tagabantay.

12 Anak, mag-ingat ka sa isa pang bagay na ito: Ang pagsusulat ng aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay nakakapagod.

13 Ngayong nabasa[h] mo na ang lahat ng ito, ito ang aking huling payo: Matakot ka sa Dios at sundin mo ang kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao. 14 Sapagkat hahatulan tayo ng Dios ayon sa lahat ng ating ginagawa, mabuti man o masama, hayag man o lihim.

Footnotes

  1. 12:3 bisig: sa literal, mga bantay ng bahay.
  2. 12:3 tuhod: sa literal, malalakas na lalaki.
  3. 12:3 ngipin: sa literal, mga babaeng tagagiling ng butil.
  4. 12:3 paningin: sa literal, mga babaeng nakasilip sa bintana.
  5. 12:4 tainga: sa literal, mga pintuang bayan.
  6. 12:7 espiritu: o, hininga. Tingnan sa Salmo 104:29 at Job 12:10.
  7. 12:8 mangangaral: o, guro; o, isang matalinong tao.
  8. 12:13 nabasa: sa Hebreo, narinig. Nag-aaral noon ang mga Israelita sa pamamagitan ng pakikinig.