Add parallel Print Page Options

Isinugo ang Labindalawa(A)

Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. Sila'y(B) pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, tinapay, salapi, o bihisan man. Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung(C) hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.”

Kaya't humayo ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Ipinangaral nila ang Magandang Balita at pinagaling ang mga maysakit sa lahat ng dako.

Ang Pagkabalisa ni Herodes(D)

Nabalitaan(E) ni Herodes na pinuno ng Galilea ang lahat ng mga nangyayari. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.” Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(F)

10 Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. 11 Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.

12 Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi nila, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa liblib na lugar po tayo.”

13 Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”

Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay at dalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” 14 Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.

Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.”

15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(G)

18 Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?”

19 Sumagot(H) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.”

20 “Kayo(I) naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo ng Diyos!” sagot ni Pedro.

21 Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.

Ipinahayag ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(J)

22 Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay papatayin ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.”

23 At(K) sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 24 Ang(L) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman at mawawala ang kanyang buhay? 26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(M)

28 Makalipas(N) ang halos walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, 31 na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

32 Natutulog sina Pedro noon at paggising nila ay nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”—ngunit hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng ulap, at natakot sila nang matakpan sila nito. 35 May isang(O) tinig na nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang.[a] Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(P)

37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”

41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”

42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(Q)

Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.

Ang Pinakadakila(R)

46 At(S) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(T) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(U)

49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”

50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang(V) makita ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila'y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?[b]

55 Ngunit hinarap sila ni Jesus at sila'y pinagalitan. [“Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo. Ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao.”][c] 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.

Pagsunod kay Jesus(W)

57 Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” 58 Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” 59 At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” 60 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” 61 May(X) isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” 62 At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Footnotes

  1. Lucas 9:35 ang aking Hinirang: Sa ibang manuskrito'y ang aking Minamahal .
  2. Lucas 9:54 tulad ng ginawa ni Elias: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito .
  3. Lucas 9:55 Hindi ninyo alam...ang mga tao: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(A)

Tinipon ni Jesus ang labindalawa at pagkatapos ay binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihan at karapatan sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga may karamdaman. At isinugo niya ang mga ito upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay; kahit tungkod, balutan, tinapay, o salapi. Huwag din dalawa ang dalhin ninyong damit panloob. Saanmang bahay kayo pumasok, mamalagi kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. Saanmang lugar na hindi kayo tanggapin, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bayang iyon bilang patotoo laban sa kanila.” Umalis sila at nagtungo sa mga nayon, habang ipinapangaral ang mabuting balita kahit saan at nagpapagaling ng mga karamdaman.

Nabagabag si Herodes(B)

Nabalitaan ng pinunong si Herodes ang lahat ng nangyayari. Nabagabag siya sapagkat sinasabi ng ilan na muling nabuhay si Juan. Sabi naman ng iba na si Elias ay nagpakita na at ayon naman sa iba, ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay nabuhay muli. Sinabi ni Herodes, “Ako ang nagpapugot ng ulo ni Juan. Ngunit sino ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya?” Kaya't sinikap niyang makita si Jesus.

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(C)

10 Nang bumalik ang mga apostol ay ibinalita nila kay Jesus ang kanilang ginawa. Sila ay kanyang isinama at palihim na nagtungo sa isang bayan na kung tawagin ay Bethsaida. 11 Subalit nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kanya. Sila ay malugod naman niyang tinanggap at ipinahayag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga may karamdaman. 12 Nagsisimula nang matapos ang araw nang lumapit sa kanya ang labindalawa at nagsabi, “Pauwiin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga nayon at karatig-pook, nang sa gayo'y makahanap sila ng matutuluyan at makakain. Tayo po'y nasa ilang na lugar.” 13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila sa kanya, “Wala po tayong dalang anuman kundi limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung aalis kami at bibili ng pagkain para sa mga taong ito.” 14 Sapagkat halos limang libong kalalakihan ang naroroon. At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pangkat-pangkat na tiglilimampu.” 15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Nang tipunin ang mga lumabis ay napuno ang labindalawang kaing.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(D)

18 Minsan, nang si Jesus ay mag-isang nananalangin, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya ang mga ito, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 19 Sumagot sila, “Si Juan na Tagapagbautismo! Ngunit ayon sa iba ay si Elias. Ayon naman sa iba ay isang propeta noong unang panahon na nabuhay muli.” 20 At sinabi niya sa kanila, “Kayo naman, ano sa palagay ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo na hinirang ng Diyos!”

Ang tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(E)

21 Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus na huwag itong sabihin kaninuman. 22 Sinabi niya, “Kailangang magtiis ng maraming hirap ang Anak ng Tao. Itatakwil siya ng mga matatandang pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Papatayin siya ngunit muling bubuhayin sa ikatlong araw.” 23 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung nais ninuman na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus at sumunod sa akin. 24 Sapagkat sinumang nais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magliligtas nito. 25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 26 Sapagkat kung ako ay ikahihiya ng sinuman gayundin ang aking mga salita, ikahihiya rin siya ng Anak ng Tao pagdating niya sa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Tinitiyak ko sa inyo: may ilan sa mga nakatayo rito ang hinding-hindi daranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(F)

28 Pagkalipas ng walong araw nang masabi niya ang mga ito, umakyat siya sa bundok kasama sina Pedro, Juan at Santiago upang manalangin. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. 31 Maluwalhating nagpakita ang dalawang ito at nagsalita tungkol sa pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isagawa sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro at ang kanyang mga kasama; ngunit nang magising sila ay nakita nila ang kaluwalhatian ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 At nang papalayo na ang mga ito sa kanya ay sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti po na dumito tayo. Magtayo tayo ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Hindi nauunawaan ni Pedro ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang ulap at sila ay nililiman. Natakot sila nang matakpan sila nito. 35 Isang tinig ang narinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking anak, ang aking hinirang.[a] Sa kanya kayo makinig.” 36 Nang naglaho na ang tinig, natagpuang nag-iisa na si Jesus. Tumahimik sila at hindi ibinalita kaninuman ang alinman sa kanilang nakita.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(G)

37 Kinabukasan, matapos silang bumaba ng bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay naroon ang isang lalaking nagsisisigaw, “Guro! Nakikiusap po ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ang kaisa-isa kong anak. 39 Bigla na lamang po siyang sinasaniban ng espiritu at biglang sumisigaw. Pinangingisay siya nito hanggang bumula ang kanyang bibig. Lubha po siyang pinahihirapan nito at halos ayaw siyang hiwalayan. 40 Nagsumamo po ako sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.” 41 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Sinabi niya sa lalaki, “Dalhin mo rito ang iyong anak.” 42 Habang lumalapit ang anak, inilugmok siya ng demonyo at pinapangisay. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu at pinagaling niya ang bata, at pagkatapos ay ibinigay sa kanyang ama. 43 Namangha ang lahat sa dakilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(H)

Subalit habang namamangha ang mga tao sa lahat ng kanyang ginagawa, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Unawain ninyong mabuti ang sasabihin kong ito: ang Anak ng Tao ay malapit nang isuko sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabing ito. Ang kahulugan nito'y inilihim sa kanila upang hindi nila ito maunawaan. Takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa sinabi niyang ito.

Sino ang Pinakadakila?(I)

46 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Dahil batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kinuha niya ang isang maliit na bata at pinatayo ito sa kanyang tabi. 48 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumanggap sa akin. At ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”

Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(J)

49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan, at pinagbawalan namin siya sapagkat hindi namin siya kasamang sumusunod sa inyo.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat sinumang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus

51 Nang papalapit na ang araw ng pagtanggap sa kanya sa langit ay itinuon niya ang kanyang sarili sa pagpunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo na mauuna sa kanya. Umalis ang mga ito at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya. 53 Ngunit hindi siya tinanggap ng mga tagaroon sapagkat siya'y nagpasya nang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng mga alagad na sina Santiago at Juan ay sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan tayo ng apoy mula sa langit upang tupukin sila?” 55 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sila'y sinaway. 56 Pumunta sila sa ibang nayon.

Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(K)

57 Habang naglalakbay sila ay may nagsabi sa kanya, “Susunod ako sa inyo saan man kayo magtungo.” 58 Sinabi sa kanya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad naman ang mga ibon ng himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay walang sariling matitirahan.” 59 Sinabi niya sa isa, “Sumunod ka sa akin!” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan muna ninyo akong umalis upang ilibing ko ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi niya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing sa sarili nilang patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang paghahari ng Diyos.” 61 Sinabi naman sa kanya ng isa pa, “Susunod po ako sa inyo Panginoon, ngunit hayaan muna ninyo akong makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sinumang humawak sa araro at lingon nang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Footnotes

  1. Lucas 9:35 Sa ibang manuskrito'y Ang aking minamahal.