Add parallel Print Page Options

Mga Babaing Sumama kay Jesus

Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa,

at(A) ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas,

si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila[a] mula sa kanilang mga ari-arian.

Ang Talinghaga ng Manghahasik(B)

Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:

“Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid.

Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig.

At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal.

At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito,

10 sinabi(D) niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa.

Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(E)

11 “Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.

12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.

13 At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.

14 Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang.

15 At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(F)

16 “Walang(G) taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.

17 Sapagkat(H) walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.

18 Kaya't(I) mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(J)

19 Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.

20 At may nagsabi sa kanya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka.”

21 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito.”

Pinayapa ni Jesus ang Unos(K)

22 Isa sa mga araw na iyon, siya'y lumulan sa isang bangka kasama ang kanyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa.” At sila'y naglayag.

23 Samantalang sila'y naglalayag siya'y nakatulog. Dumating ang unos sa lawa, at sila'y napupuno ng tubig at nanganganib.

24 Sila'y lumapit at ginising siya na nagsasabi, “Guro, Guro, tayo'y napapahamak!” Siya'y gumising at sinaway ang hangin at ang pagngangalit ng tubig. Ang mga ito'y huminto at nagkaroon ng kapayapaan.

25 Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” At sila'y natakot at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, na kanyang inuutusan maging ang hangin at tubig at sila'y sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Inaalihan ng Demonyo(L)

26 Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno,[b] na katapat ng Galilea.

27 At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit[c] at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan.

28 Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”

29 Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang.

30 At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya.

31 Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman.

32 At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya.

33 Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.

34 Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran.

35 At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot.

36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo.

37 At nakiusap kay Jesus[d] ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik.

38 Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi,

39 “Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humawak sa Damit ni Jesus(M)

40 At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya.

41 At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay,

42 sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao.

43 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,[e] at di mapagaling ng sinuman,

44 na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo.

45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro,[f] “Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng napakaraming tao.”

46 Subalit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin.”

47 At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus[g] at kung paanong siya ay kaagad gumaling.

48 At sinabi niya sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”

49 Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”

50 Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, “Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling.”

51 Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata.

52 Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus,[h] “Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog.”

53 At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata.

54 Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, “Bata, bumangon ka.”

55 Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus[i] na bigyan ng makakain ang bata.

56 At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus[j] sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Footnotes

  1. Lucas 8:3 Sa ibang mga kasulatan ay kanya .
  2. Lucas 8:26 Sa ibang mga kasulatan ay Geraseno, Gergeseno .
  3. Lucas 8:27 Sa ibang mga kasulatan ay siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa lunsod na matagal nang may mga demonyo .
  4. Lucas 8:37 Sa Griyego ay sa kanya .
  5. Lucas 8:43 Sa ibang mga kasulatan ay idinagdag ang: ginugol na niya ang lahat niyang kabuhayan sa mga manggagamot .
  6. Lucas 8:45 Sa ibang mga kasulatan ay ...at ng mga kasamahan niya .
  7. Lucas 8:47 Sa Griyego ay siya .
  8. Lucas 8:52 Sa Griyego ay niya .
  9. Lucas 8:55 Sa Griyego ay niya .
  10. Lucas 8:56 Sa Griyego ay niya .