Add parallel Print Page Options

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Umalis si Jesus sa Jordan na puspos ng Banal na Espiritu. At dinala siya ng Espiritu sa ilang. Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng 40 araw. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya gutom na gutom siya. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang batong ito.” Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao.’ ”[a]

Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa isang iglap ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng mundo. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at karangyaan ng mga kahariang ito, dahil ipinagkatiwala sa akin ang mga iyan at maibibigay ko sa kanino mang gusto ko. Kaya kung sasambahin mo ako, mapapasaiyo ang lahat ng iyan.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’ ”[b]

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, magpatihulog ka. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. 11 Aalalayan ka nila upang hindi tumama ang mga paa mo sa bato.’ ”[c] 12 Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[d]

13 Matapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, iniwan siya nito at naghintay ng ibang pagkakataon.

Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(B)

14 Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat.

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(C)

16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. 17 Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:

18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
    dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
    Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
    at sa mga bulag na makakakita na sila.
    Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”[e]

20 Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.” 22 Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan. 25 Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon, 26 pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon. 27 Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat,[f] ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.” 28 Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito. 29 Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin. 30 Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.

Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(D)

31 Mula roon, pumunta si Jesus sa bayan ng Capernaum na sakop ng Galilea. Nangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha ang mga tao sa mga aral niya dahil nangaral siya ng may awtoridad. 33 Doon sa sambahan ay may isang lalaking sinaniban ng masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita! Ikaw ang Banal na sugo ng Dios.” 35 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At sa harapan ng lahat, itinumba ng masamang espiritu ang lalaki at saka iniwan nang hindi man lang sinaktan. 36 Namangha ang mga tao at sinabi nila sa isaʼt isa, “Anong uri ang ipinangangaral niyang ito? May kapangyarihan at kakayahan siyang magpalayas ng masasamang espiritu, at sumusunod sila!” 37 Kaya kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus(E)

38 Umalis si Jesus sa sambahan ng mga Judio at pumunta sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Kaya nakiusap sila kay Jesus na pagalingin ito. 39 Nilapitan ni Jesus ang may sakit at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala ito. Noon din ay bumangon ang babae at pinagsilbihan sina Jesus.

40 Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit. Sari-sari ang mga sakit nila. Ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa bawat isa sa kanila at gumaling silang lahat. 41 Pinalabas din niya ang masasamang espiritu mula sa maraming tao. Habang lumalabas ang masasamang espiritu, sumisigaw sila kay Jesus, “Ikaw ang Anak ng Dios!” Pero sinaway sila ni Jesus at pinatahimik, dahil alam nilang siya ang Cristo.

42 Kinaumagahan, maagang umalis ng bayan si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Hinanap siya ng mga tao, at nang makita siya ay pinakiusapang huwag munang umalis sa bayan nila. 43 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Kailangang ipangaral ko rin ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios sa iba pang mga bayan, dahil ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” 44 Kaya nagpatuloy siya sa pangangaral sa mga sambahan ng mga Judio sa Judea.

Footnotes

  1. 4:4 Deu. 8:3.
  2. 4:8 Deu. 6:13.
  3. 4:11 Salmo 91:11-12.
  4. 4:12 Deu. 6:16.
  5. 4:19 Isa. 61:1-2.
  6. 4:27 malubhang sakit sa balat: sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang Griegong salita nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.

Tinukso si Jesus(A)

Bumalik mula sa Jordan si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu. Dinala siya ng Espiritu sa ilang at doon ay apatnapung araw siyang tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon kaya't nagutom siya makalipas ang mga ito. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” Ngunit sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.’ ” Dinala siya ng diyablo sa mataas na lugar at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa sanlibutan. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang karapatan sa lahat ng ito at ang kaluwalhatian nila sapagkat ipinagkaloob na ito sa akin. Maibibigay ko ito kanino ko man ibigin. Kaya't kung sasambahin mo ako, magiging iyo na ang lahat ng ito.” Sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang sambahin mo
    at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”

Dinala siya ng diyablo sa Jerusalem at inilagay sa tuktok ng templo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon kang pababa mula rito; 10 sapagkat nasusulat,

‘Uutusan niya ang kanyang mga anghel na alagaan ka.

11 At aalalayan ka nila,

    nang hindi tumama sa bato ang iyong paa.’ ”

12 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus, “Sinasabi rin, ‘Huwag mong subukan ang Panginoon mong Diyos.’ ”

13 At matapos ang lahat ng pagsubok, nilayuan siya ng diyablo at naghintay ito ng ibang pagkakataon.

Ang Pasimula ng Gawain sa Galilea(B)

14 Bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu at sa buong lupain ay kumalat ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga taglay ang papuri ng lahat.

Ang Pagtataboy kay Jesus(C)

16 Dumating siya sa Nazareth na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang araw ng Sabbath at tumindig upang magbasa. 17 Iniabot sa kanya ang aklat ng propetang si Isaias at pagkabukas dito ay natunghayan niya ang dako kung saan nasusulat,

18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
    sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag ang paglaya
    at sa mga bulag na sila'y makakita
upang bigyang-laya ang mga inaapi,
19     at ipahayag ang pinapagpalang taon ng Panginoon.”

20 Inirolyo ni Jesus at isinauli ang aklat sa tagapaglingkod, at siya'y naupo. At ang mga mata ng lahat ng sinagoga ay nakatitig sa kanya. 21 Sinimulan niyang sabihin sa kanila, “Sa araw na ito ay natupad ang kasulatang inyong narinig.” 22 Pinuri siya ng lahat at namangha sila sa mapagpalang salita na sinabi niya. Sinabi nila, “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang talinghagang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili. Gawin mo rin dito sa iyong bayang tinubuan ang mga narinig naming nangyari sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi niya, “Tandaan ninyo ang sinasabi ko: walang propetang kinikilala sa kanyang bayang tinubuan. 25 Ngunit ang totoo, maraming balong babae sa Israel noong panahon ni Elias, nang tatlong taon at anim na buwang hindi umulan na nagsanhi ng taggutom sa buong lupain. 26 Ngunit hindi isinugo si Elias sa isa man sa kanila kundi sa isang balong babae sa Zarefta sa lupain ng Sidon. 27 Marami rin namang ketongin sa Israel noong panahon ng propetang si Eliseo ngunit walang pinagaling sa kanila maliban kay Naaman na taga-Syria.” 28 Pagkarinig dito, nagngitngit sa galit ang lahat ng nasa sinagoga. 29 Nagtindigan sila at itinaboy siya papalabas ng bayan at dinala siya sa bingit ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan upang ihulog siya roon. 30 Ngunit siya ay dumaan lamang sa kalagitnaan nila at umalis.

Isang Taong may Maruming Espiritu(D)

31 Bumaba siya patungong Capernaum na isang bayan ng Galilea. Doon ay nagturo siya sa kanila sa araw ng Sabbath. 32 Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang mga sinasabi. 33 May isang lalaki sa sinagoga na sinasaniban ng espiritu ng karumal-dumal na demonyo. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ah! Jesus na taga-Nazareth, ano'ng pakialam mo sa amin? Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka—ang Banal ng Diyos.” 35 Subalit sinaway siya ni Jesus na nagsabing, “Tumahimik ka at lumabas ka sa kanya.” At ang lalaki'y inilugmok ng demonyo sa harapan ng lahat at lumabas ito sa kanya na hindi sinaktan. 36 At namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Pambihirang katuruan ito! Sapagkat inuutusan niya ng may awtoridad at kapangyarihan ang maruruming espiritu at sila ay lumalabas.” 37 Kaya't kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako ng lupain.

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(E)

38 Nilisan ni Jesus ang sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay inaapoy sa lagnat ang biyenang babae ni Simon at nakiusap sila kay Jesus para sa kanya. 39 At tumayo si Jesus sa tabi nito, pinatigil niya ang lagnat at nawala nga ito. Kaya't pagtayo ng babae, agad itong naglingkod sa kanila. 40 Nang palubog na ang araw, dinala sa kanya ng lahat ang kani-kanilang may mga sari-saring karamdaman. At pagkapatong ng kanyang mga kamay sa bawat isa ay pinagaling sila. 41 Sa marami ay lumayas din ang mga demonyo na pasigaw na nagsasabing, “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit sinaway niya ang mga ito at pinagbawalang magsalita sapagkat kilala nila na siya ang Cristo.

Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(F)

42 Kinaumagahan, nagtungo si Jesus sa ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao. Lumapit sila sa kanya at pinipigilan siyang lumayo sa kanila. 43 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang mabuting balita tungkol sa paghahari ng Diyos sapagkat isinugo ako para rito.” 44 At siya ay nangaral sa mga sinagoga ng Judea.