Add parallel Print Page Options

Sa Daang Papunta sa Emaus(A)

13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro[a] ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”

Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ng isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.”

19 “Anong mga pangyayari?” tanong niya.

Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”

25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Palubog na ang araw at dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-aalab ang ating puso habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”

33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Read full chapter

Footnotes

  1. 13 labing-isang kilometro: Sa Griego ay 60 stadia .