Add parallel Print Page Options

Pagpapala sa Pagsunod(A)

26 “Huwag(B) kayong gagawa para sa inyo ng mga diyus-diyosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haliging pinakaalaala, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran iyon, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Inyong iingatan ang aking mga Sabbath, at inyong igagalang ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon!

“Kung(C) susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga utos, at gagawin ang mga iyon,

ay bibigyan ko kayo ng ulan sa kanilang kapanahunan, at ang lupain ay magbibigay ng kanyang ani, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga.

Ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pag-aani ng mga ubas, at ang pag-aani ng ubas ay aabot sa panahon ng paghahasik; at kakainin ninyo ang inyong pagkain hanggang magkaroon kayo ng sapat at mabubuhay kayong tiwasay sa inyong lupain.

Magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at wala kayong katatakutan. Aking aalisin sa lupain ang mababangis na hayop, at hindi daraanan ng tabak ang inyong lupain.

Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at sila'y mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak.

At lima sa inyo'y hahabol sa isandaan, at isandaan sa inyo'y hahabol sa sampung libo; at ang inyong mga kaaway ay mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak.

At lilingapin ko kayo, at gagawin ko kayong mabunga. Pararamihin ko kayo at papagtibayin ko ang aking tipan sa inyo.

10 Kakainin ninyo ang matagal nang inilaan, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago.

11 At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo, at ang aking sarili[a] ay hindi mapopoot sa inyo;

12 at(D) ako'y laging lalakad sa gitna ninyo. Ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan.

13 Ako ang Panginoon ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto upang hindi na kayo maging alipin nila; at aking sinira ang mga kahoy ng inyong pamatok at pinalakad ko kayo ng matuwid.

Parusa sa Pagsuway(E)

14 “Ngunit(F) kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi tutuparin ang lahat ng mga utos na ito,

15 at kung inyong tatanggihan ang aking mga batas, at kasusuklaman ang aking mga hatol, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng aking mga utos, kundi inyong sisirain ang aking tipan;

16 ay gagawin ko naman ito sa inyo: Ilalagay ko sa gitna ninyo ang sindak, ang nag-aapoy na lagnat na sisira sa mga mata at unti-unting kikitil ng buhay. At maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagkat kakainin iyon ng inyong mga kaaway.

17 Itututok ko ang aking mukha laban sa inyo, at kayo'y masasaktan sa harapan ng inyong mga kaaway. Ang mga napopoot sa inyo ay maghahari sa inyo, at kayo'y tatakas nang walang humahabol sa inyo.

18 Kung pagkatapos ng mga bagay na ito ay hindi kayo makikinig sa akin, kayo ay parurusahan ko ng higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan;

19 at sisirain ko ang kahambugan ng inyong lakas; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa;

20 at gugugulin ninyo ang inyong lakas nang walang kabuluhan; sapagkat hindi ibibigay sa inyo ng inyong lupain ang kanyang bunga ni ng kahoy sa parang ang kanyang bunga.

21 “At kung kayo'y lalakad na salungat sa akin, at ayaw makinig sa akin, magdadala ako sa inyo nang higit pa sa pitong ulit na dami ng salot ayon sa inyong mga kasalanan.

22 Susuguin ko sa inyo ang maiilap na hayop sa parang, at aagawan kayo nito ng inyong mga anak. At papatayin ko ang inyong mga hayop, at gagawin kayong iilan, at ang inyong mga lansangan ay mawawalan ng mga tao.

23 “At kung kayo'y hindi ko maturuan sa pamamagitan ng mga bagay na ito, kundi lumakad nang laban sa akin,

24 ako ay lalakad din nang laban sa inyo, at sasaktan ko kayo nang higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan.

25 Magdadala ako ng tabak sa inyo upang ipaghiganti ang tipan; at kayo'y matitipon sa loob ng inyong mga lunsod, at magpapadala ako ng salot sa gitna ninyo, at kayo'y babagsak sa kamay ng kaaway.

26 Kapag sinira ko ang tungkod ninyong tinapay, sampung babae ang magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at ipamamahagi sa inyo ang inyong tinapay sa pamamagitan ng timbangan. Kayo'y kakain ngunit hindi kayo mabubusog.

27 “Kung sa kabila nito ay hindi ninyo ako susundin, kundi kayo'y sasalungat sa akin;

28 ako man ay sasalungat sa inyo na may kabagsikan; at parurusahan ko rin kayo nang pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan.

29 At kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalaki, at kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na babae.

30 Sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga dambana. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga bangkay ng inyong mga diyus-diyosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa.

31 At gigibain ko ang inyong mga lunsod at ang inyong mga santuwaryo, at hindi ko aamuyin ang inyong mababangong samyo.

32 Gagawin kong ilang ang lupain, at ang inyong mga kaaway na nakatira roon ay magtataka.

33 Kayo'y aking ikakalat sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo, at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga lunsod ay basurahan.

34 “Kaya't tatamasahin ng lupain ang kanyang mga Sabbath hangga't ito'y nananatiling wasak, habang kayo ay nasa lupain ng inyong mga kaaway. Ang lupain ay magtatamasa ng kapahingahan at magagalak sa kanyang mga Sabbath.

35 Ito ay magpapahinga sa lahat ng mga araw ng pagkasira na hindi nito ipinagpahinga sa inyong mga Sabbath nang kayo'y naninirahan doon.

36 At tungkol sa mga malalabi sa inyo, dadalhan ko sila ng takot sa kanilang mga puso sa mga lupain ng kanilang mga kaaway. Hahabulin sila ng tunog ng isang dahong nalalaglag, at sila'y tatakas na parang tumatakas sa tabak. Sila'y mabubuwal bagaman walang humahabol sa kanila.

37 Magkakatisuran sila sa isa't isa na parang nasa harapan ng tabak, kahit walang humahabol; at hindi kayo magkakaroon ng kapangyarihan sa harapan ng inyong mga kaaway.

38 At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at lalamunin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway.

39 Ang mga nalalabi sa inyo ay mabubulok sa lupain ng inyong mga kaaway dahil sa kanilang kasamaan; at dahil sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno ay mabubulok din sila.

Ang Habag ay Ipinangako sa Mapagtiis

40 “Subalit kung ipahahayag nila ang kanilang kasamaan at ang kasamaan ng kanilang mga ninuno, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin, at sapagkat sila'y lumakad ng laban sa akin,

41 kaya't ako'y naging laban sa kanila, at sila'y aking dinala sa lupain ng kanilang mga kaaway; subalit kung magpapakumbaba ang kanilang mga pusong hindi tuli, at magbayad sa kanilang kasamaan;

42 ay(G) aalalahanin ko ang aking tipan kay Jacob, at akin ding aalalahanin ang aking tipan kay Isaac, at aalalahanin ko rin ang aking tipan kay Abraham, at aking aalalahanin ang lupain.

43 Ngunit ang lupain ay pababayaan nila, at tatamasahin ang kanyang mga Sabbath sa pagiging sira nang sila ay wala; samantalang sila'y magbabayad dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat itinakuwil nila ang aking mga tuntunin, at kinapootan nila ang aking mga batas.

44 Subalit sa kabila ng lahat ng iyon, kapag sila'y nasa lupain ng kanilang mga kaaway ay hindi ko sila itatakuwil, ni kapopootan ko sila upang sila'y lipulin, upang sirain ang aking tipan sa kanila; sapagkat ako ang Panginoon nilang Diyos;

45 kundi aalalahanin ko alang-alang sa kanila ang tipan sa mga ninuno, na aking inilabas sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga bansa, upang ako'y maging kanilang Diyos: Ako ang Panginoon.”

46 Ito ang mga batas at ang mga hatol at ang mga tuntuning ibinigay ng Panginoon sa kanyang sarili at sa mga anak ni Israel sa bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.

Footnotes

  1. Levitico 26:11 Sa Hebreo ay kaluluwa .