Add parallel Print Page Options

Ang Pagiging Banal ng Dugo

17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita ka kay Aaron at sa kanyang mga anak at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Ito ang iniutos ng Panginoon:

Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampo, o pumatay sa labas ng kampo,

at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ihandog bilang alay sa Panginoon, sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon, ang dugo ay ipaparatang sa taong iyon. Siya'y nagbubo ng dugo, at ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.

Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga alay na kanilang pinapatay sa kaparangan, upang dalhin nila ang mga ito sa Panginoon, sa pari na nasa pintuan ng toldang tipanan, at ialay ang mga iyon bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.

Iwiwisik ng pari ang dugo sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan at susunugin ang taba na mabangong samyo sa Panginoon,

upang hindi na nila iaalay ang kanilang mga alay sa mga demonyong kambing na sanhi ng kanilang pagtataksil.[a] Ito ay magiging alituntunin magpakailanman sa kanila sa buong panahon ng kanilang salinlahi.

“At sasabihin mo sa kanila: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na naghandog ng handog na sinusunog o alay,

at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ialay sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.

Ang Dugo ay Hindi Dapat Kainin

10 “Sinumang(A) tao sa sambahayan ni Israel o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na kumain ng anumang dugo, ay aking ihaharap ang aking mukha laban sa taong iyon na kumain ng dugo, at ititiwalag siya sa kanyang bayan.

11 Sapagkat(B) ang buhay ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.

12 Kaya't aking sinabi sa mga anak ni Israel, ‘Sinuman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo ay huwag kakain ng dugo.’

13 At sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo na humuli ng hayop o ng ibon na makakain, ay ibubuhos niya ang dugo niyon at tatabunan ng lupa.

14 “Sapagkat ang buhay ng lahat ng laman ay ang dugo nito. Kaya't sinabi ko sa mga anak ni Israel: Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang laman, sapagkat ang buhay ng buong laman ay ang dugo nito, sinumang kumain niyon ay ititiwalag.

15 At sinumang tao, katutubo man o taga-ibang bayan, na kumain ng anumang kusang namatay o nilapa ng hayop ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos ay magiging malinis siya.

16 Subalit kung hindi niya labhan ang mga iyon, ni paliguan ang kanyang katawan, ay tataglayin niya ang kanyang kasalanan.”

Footnotes

  1. Levitico 17:7 Sa Hebreo ay naging parang paupahang babae .