Add parallel Print Page Options

Masamang Pag-iisip

Ang walang kabuluhang pangangatuwiran ng masama ay ganito:
“Maikli at malungkot ang buhay,” wika nila sa sarili,
“at wala nang lunas pagdating ng wakas ng buhay ng tao,
wala na ring patay na nakakabalik mula sa libingan.
Pagkakataon lamang ang pagkasilang sa atin;
pagkatapos, tayo'y papanaw at parang di isinilang.
Ang hininga natin ay tulad lamang ng usok,
at ang isipa'y parang tilamsik na mula sa pintig ng puso.
Pagtigil ng pintig na iyon, ang ating katawang lupa ay babalik sa alabok,
at maglalaho ang ating espiritu kasama ng hanging nagdaraan.
Sa kalaunan, malilimot na ang ating pangalan, pati ang ating mga nagawa.
Mawawala ang buhay natin, parang balumbon ng mga ulap,
matutunaw na parang hamog sa init ng araw.

Read full chapter