Add parallel Print Page Options

May isang lalake nga sa mga Fariseo, na nagngangalang Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio:

Ito rin ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya'y nagsabi, Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka't walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios.

Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.

Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak?

Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.

Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga.

Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo'y ipanganak na muli.

Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa't ipinanganak ng Espiritu.

Sumagot si Nicodemo at sa kaniya'y sinabi, Paanong pangyayari ng mga bagay na ito?

10 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ikaw ang guro sa Israel, at hindi mo nauunawa ang mga bagay na ito?

11 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang nalalaman namin ay sinasalita namin, at ang aming nakita ay pinatototohanan namin; at hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.

12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paanong paniniwalaan ninyo kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa langit?

13 At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga'y ang Anak ng tao, na nasa langit.

14 At kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng tao;

15 Upang ang sinomang sumampalataya ay magkaroon sa kaniya ng buhay na walang hanggan.

16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

17 Sapagka't hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.

18 Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios.

19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa.

20 Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.

21 Datapuwa't ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios.

22 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagsiparoon si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa lupain ng Judea; at doon siya tumira na kasama nila, at bumabautismo.

23 At bumabautismo rin naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagka't doo'y maraming tubig: at sila'y nagsiparoon, at nangabautismuhan.

24 Sapagka't hindi pa ipinapasok sa bilangguan si Juan.

25 Nagkaroon nga ng isang pakikipagtalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paglilinis.

26 At sila'y nagparoon kay Juan, at sa kaniya'y sinabi, Rabi, yaong kasama mo sa dako pa roon ng Jordan, na binigyan mong patotoo, narito, siya'y bumabautismo, at ang lahat ng mga tao'y nagsisiparoon sa kaniya.

27 Sumagot si Juan at sinabi, Hindi makatatanggap ng anoman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kaniya mula sa langit.

28 Kayo man ay magsisisaksi sa akin, na aking sinabi, Hindi ako ang Cristo, kundi, na ako'y sinugo sa unahan niya.

29 Ang nagtatangkilik sa kasintahang babae ay ang kasintahang lalake: datapuwa't ang kaibigan ng kasintahang lalake, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay nagagalak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang lalake: ito ngang aking kaligayahan ay naganap.

30 Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinakailangang bumaba.

31 Ang nanggagaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggagaling sa langit ay sumasaibabaw ng lahat.

32 At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatototohanan niya; at walang taong tumatanggap ng kaniyang patotoo.

33 Ang tumatanggap ng kaniyang patotoo ay naglagay dito ng kaniyang tatak, na ang Dios ay totoo.

34 Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka't hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.

35 Sinisinta ng Ama ang Anak, at inilagay sa kaniyang kamay ang lahat ng mga bagay.

36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; nguni't ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.

Si Jesus at si Nicodemo

May isang taong nagngangalang Nicodemo, isang Fariseo at pinuno ng mga Judio. Kinagabiha'y pumunta kay Jesus ang taong ito at sinabi sa kanya, “Rabbi, alam po naming ikaw ay isang gurong mula sa Diyos, sapagkat walang sinumang makagagawa ng mga himalang ginagawa mo malibang sumasakanya ang Diyos.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang tao'y ipanganak mula sa itaas,[a] hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Nicodemo sa kanya, “Paanong maipanganganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Maaari ba siyang pumasok muli sa sinapupunan ng kanyang ina upang maipanganak?” Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang isinilang sa laman ay laman at ang isinilang sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kailangang kayo'y ipanganak mula sa itaas[b].’ Ang hangin[c] ay umiihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang tunog nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumupunta. Gayundin ang sinumang ipinanganak sa Espiritu.” Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paano pong mangyayari ang mga ito?” 10 Sumagot si Jesus, “Guro ka ng Israel, at hindi mo alam ang mga bagay na ito? 11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nagsasalita kami tungkol sa alam namin, at nagpapatotoo sa mga nakita namin; ngunit hindi ninyo ito tinatanggap. 12 (A)Kung ang sinabi ko sa inyo na mga bagay na panlupa ay hindi ninyo pinaniniwalaan, paano kayong maniniwala kung mga bagay na panlangit na ang sasabihin ko sa inyo? 13 (B)Walang sinumang nakaakyat sa langit maliban sa kanya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 (C)At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang, ganoon din kailangang maitaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat ganoon inibig ng Diyos ang sanlibutan, kaya ipinagkaloob niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat isinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang sa pamamagitan niya ay maligtas ang sanlibutan. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na, sapagkat hindi siya sumasampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos. 19 At ito ang hatol: dumating sa sanlibutan ang ilaw, ngunit mas inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw, dahil masasama ang kanilang mga gawa. 20 Ang sinumang gumagawa ng mga masama ay namumuhi sa ilaw, at hindi siya lumalapit sa ilaw upang hindi malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang sinumang nagsasagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, nang sa gayon ay mahayag na ang ginagawa niya ay naaayon sa Diyos.”

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga ito, nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doo'y nanatili siya kasama nila at nagbautismo. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon malapit sa Salim dahil maraming tubig doon. Maraming tao ang dumating at nabautismuhan. 24 (D)(Hindi pa nakakulong si Juan nang mga panahong ito.) 25 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't lumapit sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabbi, ang taong kasama mo sa kabila ng Jordan, na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo. Pumupunta sa kanya ang lahat.” 27 Sumagot si Juan, “Hindi makatatanggap ng anuman ang isang tao malibang ito ay ibinigay sa kanya mula sa langit. 28 (E)Kayo mismo ay mga saksi nang sabihin kong hindi ako ang Cristo, kundi ako ay isinugong una sa kanya. 29 Ang kasama ng kasintahang babae ay ang lalaking ikakasal. Nakatayo ang kaibigan ng lalaking ikakasal at siya'y lubos na nagagalak dahil sa narinig na niya ang tinig ng lalaking ikakasal. Dahil dito'y lubos na rin ang aking kagalakan. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”

Ang Nagmula sa Langit

31 Siya na nanggaling sa itaas ang pinakamataas; siya na mula sa lupa ay kabilang sa lupa, at nagsasalita nang ayon sa lupa; siya na mula sa langit ang pinakamataas. 32 Nagpapatotoo siya sa kanyang nakita at narinig, ngunit walang tumatanggap ng kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. 34 Sapagkat ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil walang hangganan ang kanyang pagbibigay ng Espiritu. 35 (F)Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa kanyang kamay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; subalit ang sumusuway sa Anak ay hindi makalalasap ng buhay. Sa halip, ang poot ng Diyos ang mananatili sa kanya.

Footnotes

  1. Juan 3:3 mula sa itaas, maaari ding isaling “muli”.
  2. Juan 3:7 mula sa itaas: maaari ding na isaling “muli”.
  3. Juan 3:8 hangin: ang salitang isinalin na “hangin” ay siya ring salitang ginamit para sa “espiritu”.