Add parallel Print Page Options

Nanalangin si Jesus para sa mga Tagasunod Niya

17 Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras. Parangalan mo ako na iyong Anak para maparangalan din kita. Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa lahat ng tao para mabigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng taong ibinigay mo sa akin. At ito ang kahulugan ng buhay na walang hanggan: ang makilala ka ng mga tao na ikaw lang ang tunay na Dios, at makilala rin nila ako na isinugo mo. Pinarangalan kita rito sa lupa dahil natapos ko na ang ipinagawa mo sa akin. Kaya ngayon, Ama, parangalan mo ako sa piling mo. Ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa man nilikha ang mundo.

“Ipinakilala kita sa mga taong pinili mo mula sa mga tao sa mundo at ibinigay sa akin. Sila ay sa iyo at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. Ngayon alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay nanggaling sa iyo. Sapagkat itinuro ko sa kanila ang mga itinuro mo sa akin, at tinanggap naman nila. Sigurado silang nagmula ako sa iyo, at naniniwala silang isinugo mo ako.

“Idinadalangin ko sila. Hindi ako nananalangin para sa mga taong makamundo kundi para sa mga taong ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo. 10 Ang lahat ng akin ay sa iyo, at ang lahat ng iyo ay sa akin, at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, babalik na ako sa iyo at hindi na ako mananatili rito sa mundo, pero sila ay mananatili pa sa mundo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 12 Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin. Iningatan ko sila at walang napahamak sa kanila maliban sa taong itinakdang mapahamak para matupad ang Kasulatan. 13 Ngayon ay babalik na ako sa iyo. Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang nandito pa ako sa mundo para lubos silang magalak tulad ko. 14 Itinuro ko na sa kanila ang salita mo. Napopoot sa kanila ang mga taong makamundo, dahil hindi na sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo na sila sa mundo, kundi ingatan mo sila laban kay Satanas.[a] 16 Hindi sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 17 Ibukod mo sila upang maging iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Isinugo mo ako rito sa mundo, kaya isinusugo ko rin sila sa mundo upang mangaral. 19 Alang-alang sa kanila, itinatalaga ko ang aking sarili sa iyo, upang sila man ay maitalaga sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.

20 “Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila na sumasampalataya sa akin, kundi pati na rin sa mga sasampalataya pa sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila. 21 Idinadalangin ko sa iyo, Ama, na silang lahat ay maging isa gaya natin. Kung paanong ikaw ay nasa akin at akoʼy nasa iyo, nawaʼy sila man ay sumaatin, para maniwala ang mga tao sa mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Binigyan ko sila ng karangalan tulad ng ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 23 Nasa kanila ako at ikaw ay nasa akin, para silaʼy lubos na maging isa. Sa ganoon ay malalaman ng mga tao sa mundo na isinugo mo ako, at malalaman din nilang minamahal mo ang mga mananampalataya tulad ng pagmamahal mo sa akin.

24 “Ama, gusto ko sanang makasama sa pupuntahan ko ang mga taong ibinigay mo sa akin, para makita rin nila ang kapangyarihang ibinigay mo sa akin, dahil minahal mo na ako bago pa man nilikha ang mundo. 25 Amang Makatarungan,[b] kahit hindi ka nakikilala ng mga taong makamundo, nakikilala naman kita, at alam ng mga mananampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinakilala kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala upang ang pagmamahal mo sa akin ay mapasakanila at ako man ay mapasakanila.”

Footnotes

  1. 17:15 kay Satanas: sa literal, sa Masama.
  2. 17:25 Makatarungan: o, Matuwid.

Panalangin ni Jesus para sa mga Alagad

17 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, kung paanong binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. (A)At ito ang buhay na walang hanggan, ang makilala ka nila na tanging tunay na Diyos at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Niluwalhati kita sa lupa sa pagtupad ko sa gawaing ibinigay mo sa akin. Kaya ngayon, Ama, sa iyong harapan ay luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong ako'y kasama mo bago pa man nagkaroon ng sanlibutan. Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 12 (B)Habang ako ay kasama pa nila, iningatan ko sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin. Binantayan ko sila, at wala akong naiwala ni isa man sa kanila maliban sa isa na anak ng kapahamakan, upang ang Kasulatan ay matupad. 13 Ngayon, pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang makamtan nila ang aking lubos na kagalakan. 14 Ibinigay ko pa sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan sapagkat sila ay hindi tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa Masama. 16 Hindi sila tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila ay inilalaan ko ang aking sarili sa iyo upang sila'y mailaan din sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.

20 “Nakikiusap ako hindi lamang para sa mga taong ito, kundi para rin sa mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, 21 upang silang lahat ay maging isa, tulad mo, Ama, na nasa akin at ako'y nasa iyo, na sila rin ay mapasaatin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako'y isinugo mo. 22 Ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa, at malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at minahal mo sila kung paanong minahal mo ako.

24 “Ama, hinahangad kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa man maitatag ang sanlibutan. 25 Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at alam ng mga taong ito na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko ang pangalan mo sa kanila, at ipapakilala ko pa, upang ang pagmamahal na iniukol mo sa akin ay mapasakanila, at ako rin ay mapasakanila.”