Add parallel Print Page Options

Inilarawan ni Job ang Kanyang Kasawian

Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi,

“O tinimbang sana ang aking pagkayamot,
    at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan.
Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
    kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos.
Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin,
    iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason;
    ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin.
Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo?
    O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain?
Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin?
    O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
Wala akong ganang hawakan ang mga iyon;
    ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin.

“Makamit ko nawa ang aking kahilingan;
    at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi;
na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako;
    na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako!
10 Ito nga ang magiging kaaliwan ko;
    magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit;
    sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay?
    At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis?
12 Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato,
    o ang laman ko ba ay tanso?
13 Sa totoo ay walang tulong sa akin,
    at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin.

Ang Daya at Lupit ng Kanyang mga Kaibigan

14 “Siyang nagkakait ng kagandahang-loob sa kanyang kaibigan
    ay nagtatakuwil ng takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Ang aking mga kapatid ay mapandayang tulad sa batis,
    na parang daluyan ng mga batis na lumilipas,
16 na madilim dahil sa yelo,
    malabo dahil sa natutunaw na niyebe.
17 Sa panahon ng init, sila'y nawawala;
    kapag mainit, sila'y nawawala sa kanilang kinalalagyan.
18 Ang mga pangkat ng manlalakbay ay lumilihis sa kanilang daan;
    umaakyat sila sa pagkapahamak at namamatay.
19 Tumitingin ang mga pulutong ng manlalakbay mula sa Tema,
    umaasa ang mga manlalakbay mula sa Sheba.
20 Sila'y nabigo, sapagkat sila'y nagtiwala;
    sila'y pumaroon at sila'y nalito.
21 Naging ganyan kayo ngayon sa akin,
    nakikita ninyo ang aking kasawian at kayo'y natatakot.
22 Sinabi ko ba: ‘Bigyan ninyo ako ng kaloob?’
    O, ‘Mula sa inyong yaman ay handugan ninyo ako ng suhol?’
23 O, ‘Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng kaaway?’
    O, ‘Tubusin ninyo ako mula sa kamay ng mga manlulupig?’

24 “Turuan ninyo ako, at ako'y tatahimik;
    ipaunawa ninyo sa akin kung paano ako nagkamali.
25 Napakatindi ng mga tapat na salita!
    Ngunit ang inyong saway, ano bang sinasaway?
26 Sa akala ba ninyo ay masasaway ninyo ang mga salita,
    gayong ang mga salita ng taong sawi ay hangin?
27 Magpapalabunutan nga kayo para sa ulila,
    at magtatawaran para sa inyong kaibigan.

28 “Subalit ngayon, tumingin kayo sa akin na may kaluguran,
    sapagkat hindi ako magsisinungaling sa inyong harapan.
29 Bumalik kayo, isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kamalian.
    Oo, kayo'y magsibalik, nakataya rito ang aking katuwiran.
30 May masama ba sa aking dila?
    Hindi ba nakakabatid ng kasawian ang aking panlasa?