Add parallel Print Page Options

Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan

31 “Ako'y nakipagtipan sa aking mga paningin;
    paano nga akong titingin sa isang birhen?
Ano ang bahagi ko mula sa Diyos sa itaas,
    at ang aking mana mula sa Makapangyarihan sa lahat sa kaitaasan?
Hindi ba dumarating ang kapahamakan sa taong masasama,
    at ang kapahamakan sa mga masasama ang gawa?
Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad,
    at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?

“Kung ako'y lumakad ng may kabulaanan,
    at ang aking paa ay nagmadali sa panlilinlang;
timbangin ako sa matuwid na timbangan,
    at hayaang malaman ng Diyos ang aking katapatan!
Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan,
    at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata,
    at kung ang anumang dungis ay kumapit sa aking mga kamay:
kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang iba ang kumain,
    at hayaang mabunot ang tumutubo para sa akin.

“Kung natukso sa babae ang puso ko,
    at ako'y nag-abang sa pintuan ng aking kapwa tao;
10 kung magkagayo'y hayaang iba ang ipaggiling ng aking asawa,
    at hayaang iba ang yumuko sa ibabaw niya.
11 Sapagkat isang napakabigat na pagkakasala iyon,
    isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom;
12 sapagkat iyo'y isang apoy na tumutupok hanggang sa Abadon,
    at susunugin nito hanggang sa ugat ang lahat ng aking bunga.

13 “Kung tinanggihan ko ang kapakanan ng aking aliping lalaki o babae,
    nang sila'y dumaing laban sa akin,
14 ano nga ang aking gagawin kapag ang Diyos ay bumangon?
    Kapag siya'y nagtatanong, anong sa kanya'y aking itutugon?
15 Hindi ba siya na lumalang sa akin sa bahay-bata ang sa kanya'y lumalang?
    At hindi ba iisa ang humugis sa atin sa sinapupunan?

16 “Kung pinagkaitan ko ng anumang kanilang nasa ang dukha,
    ang mga mata ng babaing balo ay aking pinapanghina,
17 o ang aking pagkain ay kinain kong mag-isa,
    at hindi nakakain niyon ang ulila—
18 dahil, mula sa kanyang pagkabata ay pinalaki ko siya, na gaya ng isang ama,
    at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng kanyang ina;
19 kung ako'y nakakita ng namatay dahil sa kakulangan ng suot,
    o ng taong dukha na walang saplot;
20 kung hindi ako binasbasan ng kanyang mga balakang,
    at kung sa balahibo ng aking mga tupa ay hindi siya nainitan;
21 kung laban sa ulila'y binuhat ko ang aking kamay,
    sapagkat nakakita ako ng tulong sa akin sa pintuan,
22 kung gayo'y malaglag nawa ang buto ng aking balikat mula sa balikat ko,
    at ang aking bisig ay mabali sa pinaglalagyan nito.
23 Sapagkat ang pagkasalanta mula sa Diyos ay aking kinatakutan,
    at hindi ko sana naharap ang kanyang kamahalan.

24 “Kung ako'y sa ginto nagtiwala,
    o tinawag ang dalisay na ginto na aking pag-asa,
25 kung ako'y nagalak sapagkat ang aking kayamanan ay malaki,
    o sapagkat ang aking kamay ay nagtamo ng marami;
26 kung ako'y tumingin sa araw kapag sumisilang,
    o sa buwan na gumagalaw na may karilagan,
27 at lihim na naakit ang aking puso,
    at hinagkan ng aking bibig ang kamay ko,
28 ito man ay kasamaang dapat parusahan ng mga hukom,
    sapagkat ako sana'y naging sinungaling sa Diyos na nasa itaas.

29 “Kung ako'y nagalak sa pagkawasak niyong sa akin ay nasuklam,
    o natuwa nang datnan siya ng kasamaan—
30 hindi ko hinayaang ang bibig ko'y magkasala,
    sa paghingi na may sumpa ng buhay niya—
31 kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi,
    ‘Sino bang hindi nabusog sa kanyang pagkain?’
32 ang dayuhan ay hindi tumigil sa lansangan;
    binuksan ko ang aking mga pinto sa manlalakbay—
33 kung aking ikinubli sa mga tao ang aking mga paglabag,
    sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;
34 sapagkat aking kinatakutan ang napakaraming tao,
    at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan,
    na anupa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan—
35 o sana'y may duminig sa akin!
    (Narito ang aking pirma! Sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat!)
    At sana'y nasa akin ang sakdal na isinulat ng aking kaaway!
36 Tiyak na papasanin ko ito sa aking balikat;
    itatali ko sa akin na gaya ng isang korona;
37 aking ipahahayag sa kanya ang lahat kong mga hakbang,
    gaya ng isang pinuno ay lalapitan ko siya.

38 “Kung ang aking lupain ay sumigaw laban sa akin,
    at ang mga bungkal niyon ay umiyak na magkakasama;
39 kung kumain ako ng bunga niyaon na hindi nagbabayad,
    at naging dahilan ng pagkamatay ng mga may-ari niyon;
40 tubuan nawa ng dawag sa halip ng trigo,
    at ng masasamang damo sa halip ng sebada.”

Ang mga salita ni Job ay natapos.