Add parallel Print Page Options

Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw

29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:

“O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
    gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
    at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
gaya noong ako'y namumukadkad pa,
    noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
    nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
    at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
    noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
    at ang matatanda ay tumayo;
ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
    at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
    nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
    at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
    maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
    at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
    parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
    at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
    at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
    at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
    at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
    at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
    at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’

21 “Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao,
    at tumatahimik para sa aking payo.
22 Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita,
    at ang aking salita ay bumagsak sa kanila.
23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan,
    at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan.
24 Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti,
    at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa.
25 Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno,
    at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo,
    gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati.