Add parallel Print Page Options

Naniniwala si Job na Siya'y Pawawalang-sala ng Diyos

19 At sumagot si Job, at sinabi,

“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan,
    at pipira-pirasuhin ako ng mga salita?
Makasampung ulit ninyo akong pinulaan,
    hindi ba kayo nahihiyang gawan ako ng masama?
At kung totoo man na nagkamali ako,
    ay nananatili sa aking sarili ang pagkakamali ko.
Kung tunay na itinataas ninyo ang inyong sarili laban sa akin,
    at gawin ang aking kakutyaan bilang katuwiran laban sa akin,
alamin ninyo ngayon na inilagay ako ng Diyos sa pagkakamali,
    at isinara ang kanyang lambat sa paligid ko.
Narito, ako'y sumisigaw, ‘Karahasan!’ ngunit hindi ako pinapakinggan,
    ako'y humihiyaw ngunit walang katarungan.
Kanyang pinaderan ang aking daan kaya't hindi ako makaraan,
    siya'y naglagay ng kadiliman sa aking mga daan.
Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian,
    at inalis ang korona sa aking ulo.
10 Kanyang inilugmok ako sa bawat dako, at ako'y pumanaw,
    at ang aking pag-asa ay binunot niyang parang punungkahoy.
11 Kanya rin namang pinapagningas ang kanyang poot laban sa akin,
    at ibinilang niya ako na kanyang kaaway.
12 Ang kanyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama,
    at naglagay ng mga pangkubkob laban sa akin,
    at nagkampo sa palibot ng aking tolda.

13 “Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin,
    at ang aking mga kakilala ay lubusang napalayo sa akin.
14 Ang aking mga kamag-anak at malapit na mga kaibigan, ay nagsilayo sa akin.
15 Kinalimutan ako ng mga panauhin sa aking bahay,
itinuring akong isang dayuhan ng aking mga lingkod na kababaihan,
    sa kanilang paningin ako'y isang taga-ibang bayan.
16 Ako'y tumatawag sa aking lingkod, at hindi ako sinasagot,
    dapat ko siyang pakiusapan ng aking bibig.
17 Kakaiba ang aking hininga para sa aking asawa,
    at nakakainis sa mga anak ng sarili kong ina.
18 Pati mga bata ay humahamak sa akin;
    kapag ako'y tumayo, sila'y nagsasalita laban sa akin.
19 Lahat ng malapit kong mga kaibigan ay napopoot sa akin,
    at ang aking minamahal ay bumaling laban sa akin.
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman,
    at ako'y nakatakas nang bahagya lamang.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, O kayong mga kaibigan ko;
    sapagkat hinampas ako ng kamay ng Diyos!
22 Bakit ninyo ako tinutugis na gaya ng Diyos?
    At hindi pa kayo nasisiyahan sa aking laman?

23 “O masulat nawa ngayon ang mga salita ko!
    O malimbag nawa sa isang aklat ang mga ito!
24 Sa pamamagitan nawa ng panulat na tingga at bakal,
    maukit nawa ang mga ito sa bato magpakailanman!
25 Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay,
    at sa wakas siya'y tatayo sa lupa;
26 at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat,
    gayunma'y makikita ko ang Diyos sa aking laman,
27 na aking makikita sa aking tabi,
    at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba.
    Ang aking puso ay nanghihina sa loob ko!
28 Kung inyong sabihin, ‘Paanong aming tutugisin siya?’
    at, ‘Ang ugat ng pangyayari ay nasumpungan sa kanya;’
29 matakot kayo sa tabak,
    sapagkat ang poot ang nagdadala ng mga parusa ng tabak,
    upang inyong malaman na may paghuhukom.”