Add parallel Print Page Options

Siya ay Tumututol sa Kalabisang Parusa ng Panginoon

10 “Kinasusuklaman ko ang aking buhay;
    malaya kong bibigkasin ang aking karaingan;
    ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.
Sasabihin ko sa Diyos, Huwag mo akong hatulan;
    ipaalam mo sa akin kung bakit mo ako kinakalaban.
Mabuti ba sa iyo na ikaw ay magpahirap,
    na iyong hamakin ang gawa ng iyong mga kamay
    at iyong sang-ayunan ang mga pakana ng masama?
Ikaw ba'y may mga matang laman?
    Ikaw ba'y nakakakita tulad ng pagkakita ng tao?
Ang iyo bang mga araw ay gaya ng mga araw ng tao,
    o ang iyong mga taon ay gaya ng mga taon ng tao,
upang ikaw ay maghanap ng kasamaan ko,
    at mag-usisa ng kasalanan ko,
bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi nagkasala,
    at walang makapagliligtas mula sa iyong kamay?
Ang iyong mga kamay ang humugis at gumawa sa akin,
    at ngayo'y pumipihit ka at pinupuksa ako.
Iyong alalahanin, na ako'y ginawa mo mula sa luwad,
    at ibabalik mo ba akong muli sa alabok?
10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas,
    at binuo mo akong parang keso?
11 Ako'y dinamitan mo ng balat at laman,
    at ako'y hinabi mo ng mga buto at mga litid.
12 Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at tapat na pag-ibig,
    at ang iyong kalinga ang nag-ingat ng aking espiritu.
13 Gayunma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso;
    alam ko na ito ang layunin mo.
14 Kung ako'y magkasala, ako nga'y iyong tinatandaan,
    at hindi mo ako pinawawalang-sala sa aking kasamaan.
15 Kung ako'y masama, kahabag-habag ako!
    Kung ako'y matuwid, hindi ko maitaas ang aking ulo;
sapagkat ako'y puspos ng kahihiyan,
    at tingnan mo ang aking kahirapan.
16 At kung itaas ko ang aking sarili, tinutugis mo akong parang leon;
    at ipinapakita mong muli ang iyong kapangyarihan sa akin.
17 Pinanunumbalik mo ang iyong mga pagsaksi laban sa akin,
    at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin;
    nagdadala ka ng mga bagong hukbo laban sa akin.

18 “Bakit mo pa ako inilabas sa sinapupunan?
    Namatay na sana ako bago pa ako nakita ng alinmang mata.
19 Ako sana'y naging parang hindi nabuhay;
    nadala sana ako mula sa sinapupunan hanggang sa libingan.
20 Hindi ba iilan ang mga araw ng aking buhay? Tapusin mo na nga!
    Bayaan mo na ako, upang ako'y makatagpo ng kaunting kaginhawahan,
21 bago ako magtungo na mula roo'y hindi ako makakabalik,
    sa lupain ng kapanglawan at ng pusikit na kadiliman,
22 sa lupain ng kapanglawan gaya ng kadiliman ng malalim na anino na walang kaayusan,
    na doon ay nagliliwanag na gaya ng kadiliman.”