Add parallel Print Page Options

Giniba ang Templo(A)

12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, si Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay ng hari, ay nagpunta sa Jerusalem. 13 Sinunog(B) niya ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay doon, pati ang mga tahanan ng mga kilalang tao. 14 Ang pader sa palibot ng Jerusalem ay iginuho ng mga sundalo ng Babilonia sa pangunguna ng kapitan ng mga bantay. 15 Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa. 16 Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa mga ubasan at bukirin.

17 Sinira(C) nilang lahat ang mga haliging tanso sa Templo ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na dagat-dagatang tanso, at dinala nila sa Babilonia ang mga tinunaw na tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo. 19 Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga kopa, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak. 20 Hindi na makayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh. 21 Ang isa sa mga haligi'y walong metro ang taas at lima't kalahating metro ang bilog. Walang laman ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon. 22 Ito'y may kapitel na tanso rin, dalawa't kalahating metro ang taas. May palamuti itong parang lambat at mga prutas na granada sa palibot. Ang lahat ng ito'y yari sa tanso. Ang isa pang haligi, na may mga palamuti ring granada ay kahawig ng unang haligi. 23 May siyamnapu't anim na lahat ang palamuting granada na nakikita, ngunit isandaang lahat ang nagawa na makikita sa buong palibot.

Binihag ang mga Taga-Juda at Dinala sa Babilonia(D)

24 Kinuha ng kapitan ng mga bantay ang punong paring si Seraias, at si Zepanaias, ang pangalawang pari, pati ang tatlong pinuno sa Templo. 25 Kumuha rin siya sa lunsod ng isang pinuno na mamamahala sa mga mandirigma, pitong lalaki sa konseho ng hari na naroon pa sa lunsod, isang kalihim ng kapitan at siyang nagsasanay sa mga tao para sa pakikidigma, at may animnapung lalaking naroroon pa rin. 26 Sila'y dinala ni Nebuzaradan sa harapan ng hari ng Babilonia sa Ribla, na nasa lupain ng Hamat, 27 sila'y ipinahampas ng hari ng Babilonia saka ipinapatay. Gayon naging bihag at inalis sa sariling lupain ang taga-Juda.

28-30 Ito ang bilang ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ni Nebucadnezar:

Noong ika-7 taon ng kanyang paghahari 3,023

Noong ika-18 taon ng kanyang paghahari 832 mula sa Jerusalem

Noong ika-23 taon ng kanyang paghahari 745 na dinalang-bihag ni Nebuzaradan

Lahat-lahat ay 4,600 katao.

31 Noong ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkakabihag ni Haring Jehoiakin ng Juda, pumalit na hari sa Babilonia si Evil-merodac. Naging mabuti ito kay Haring Jehoiakin ng Juda at pinalabas siya sa bilangguan; 32 pinakitaan ng kagandahang-loob, at binigyan pa ng katungkulang mas mataas kaysa mga haring kasama niya sa Babilonia. 33 Kaya't hinubad na ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilanggo, at namuhay sa kalinga ng hari sa natirang mga taon ng kanyang buhay.

Read full chapter