Add parallel Print Page Options

Ang Magandang Kasasapitan ng Jerusalem

60 Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw.
Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig;
ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh,
at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian.
Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag,
ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.

Pagmasdan(A) mo ang iyong kapaligiran,
ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo;
manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki;
ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata.
Magagalak ka kapag nakita sila;
sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama;
sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo,
at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa.
Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa;
buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso,
at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh.
Lahat ng kawan ng tupa sa Kedar ay dadalhin sa iyo,
at paglilingkuran ka ng mga barakong tupa sa Nebaiot.
Ihahain sila bilang handog sa aking altar at pararangalan ko ang aking Templo.

Sino ang mga ito na lumilipad na tulad ng mga ulap,
at gaya ng mga kalapating bumabalik sa tahanan?
Ang mga malalaking barko ay hinihintay sa daungan;
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malalayong lupain.
May mga dala silang ginto at pilak,
bilang pagpaparangal kay Yahweh na iyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel,
sapagkat ikaw ay kanyang pinaparangalan.

10 Sinabi ni Yahweh sa Jerusalem,
“Mga dayuhan ang muling magtatayo ng iyong mga pader,
at maglilingkod sa iyo ang kanilang mga hari.
Nang ako'y mapoot, ikaw ay pinarusahan ko,
ngunit ngayo'y tinutulungan kita at kinahahabagan.
11 Ang(B) mga pintuan mo'y aking ibubukas araw at gabi,
upang dito papasok ang mga hari ng mga bansa,
at dalhin sa iyo ang kanilang mga kayamanan.
12 Ngunit ang bansa o kahariang hindi maglilingkod sa iyo ay ganap na wawasakin.
13 At ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo;
sama-samang pagagandahin ang aking santuwaryo;
sa pamamagitan ng mga kahoy na mahuhusay, tulad ng sipres, pino at iba pa.
Upang lalong maging maningning ang aking tahanan.
14 Nakayukong(C) lalapit sa iyo bilang paggalang
ang mga salinlahi ng mga bansang sa iyo'y umapi;
hahalik sa iyong paa ang mga humahamak sa iyo,
at tatawagin ka nilang, ‘Zion, ang lunsod ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.’

15 “Hindi na kita pababayaan at kapopootan o iiwang mag-isa.
Ikaw ay kanilang itataas at dadakilain;
magiging lugar ng kaligayahan magpakailanman.
16 Aalagaan ka ng mga hari't mga bansa,
tulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak.
Malalaman mong akong si Yahweh ang iyong Tagapagligtas;
at palalayain ka ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob.

17 “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay,
pilak ang bigay ko sa halip na bakal;
sa halip na kahoy, tanso ang dala ko,
papalitan ko ng bakal ang dati'y bato.
Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo,
at ang katarungan ay mararanasan mo.
18 Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa,
gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’
at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan.

19 “Sa(D) buong maghapon ay wala nang araw na sisikat,
sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw,
sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman,
at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan.
20 Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw,
at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho;
si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw,
at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
21 Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay,
kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman.
Sila'y nilikha ko at itinanim,
upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
22 Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam,
at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan.
Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako
kapag dumating na ang takdang panahon.”

Read full chapter

Ang Bagong Jerusalem

Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(A) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(B) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.

15 Ang(C) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(D)(E) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(F) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(G) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(H) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.

22 Ipinakita(I) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at(J) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala(K) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.

Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y(L) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.