Add parallel Print Page Options

Nagkasakit si Hezekias(A)

38 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at halos mamamatay na siya. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay pumunta sa kanya, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay, at hindi ka na mabubuhay.”

Nang magkagayo'y ibinaling ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding, at nanalangin sa Panginoon.

Kanyang sinabi, “Alalahanin mo, O Panginoon, ipinapakiusap ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo ng may katapatan at buong puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak na may kapaitan.

Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias:

“Humayo ka at sabihin mo kay Hezekias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ni David na iyong ama: Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha; narito, aking daragdagan ng labinlimang taon ang iyong buhay.

At aking ililigtas ka at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito.

“Ito ang magiging tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kanyang ipinangako:

Narito, aking pababalikin ang anino sa mga baytang na pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw ng sampung baytang.” Sa gayo'y umurong ang anino ng araw ng sampung baytang sa mga baytang na binabaan nito.

Ang sulat ni Hezekias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kanyang sakit:

10 Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol.
    Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon,
    sa lupain ng nabubuhay;
hindi ko na makikita pa ang tao,
    na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan.
12 Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin
    na gaya ng tolda ng pastol;
gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay;
    kanyang ihihiwalay ako sa habihan;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13     Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo,
katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto;
    mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.

14 Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako;
    ako'y tumatangis na parang kalapati.
Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
    O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko!
15 Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin,
    at kanya namang ginawa.
Lahat ng tulog ko ay nakatakas,
    dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.

16 O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
    at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu.
    Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo!
17 Narito, tiyak na para sa aking kapakanan
    ay nagtamo ako ng malaking kahirapan;
ngunit iyong pinigil ang aking buhay
    mula sa hukay ng pagkawasak,
sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan
    sa iyong likuran.
18 Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol,
    hindi ka maaaring purihin ng kamatayan!
Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa
    sa iyong katapatan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y nagpapasalamat sa iyo,
    gaya ng ginagawa ko sa araw na ito;
ipinaalam ng ama sa mga anak
    ang iyong katapatan.

20 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin,
    at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad,
sa lahat ng araw ng aming buhay
    sa bahay ng Panginoon.

21 Sinabi ni Isaias, “Magsikuha sila ng isang kimpal na igos, at ilagay na tapal sa bukol upang siya'y gumaling.”

22 Sinabi rin ni Hezekias, “Ano ang tanda na ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon?”