Add parallel Print Page Options

Kapayapaang Walang Hanggan(A)

Ang salita na nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.

At mangyayari sa mga huling araw,
    na ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
    at itataas sa ibabaw ng mga burol;
at lahat ng bansa ay pupunta roon.
    Maraming tao ang darating at magsasabi:
“Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng Panginoon,
    sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan,
    at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin,
    at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
Kanyang(B) hahatulan ang mga bansa,
    at magpapasiya para sa maraming tao;
at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,
    at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
    o matututo pa ng pakikipagdigma.
O sambahayan ni Jacob,
    halikayo at tayo'y lumakad
    sa liwanag ng Panginoon.

Wawakasan ang Kapalaluan

Sapagkat tinanggihan mo ang iyong bayan,
    ang kay Jacob na sambahayan,
sapagkat sila'y punô ng mga manghuhula mula sa silangan,
    at mga mangkukulam na gaya ng mga Filisteo,
    at sila'y nakikipagkamay sa mga anak ng mga dayuhan.
Ang kanilang lupain naman ay punô ng pilak at ginto,
    at walang katapusan ang kanilang mga kayamanan;
ang kanila namang lupain ay punô ng mga kabayo,
    at ang kanilang mga karwahe ay wala ring katapusan.
Ang kanilang lupain ay punô ng mga diyus-diyosan;
    kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang mga kamay,
    na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.
Kaya't ang tao ay hinahamak
    at ang mga tao ay ibinababa—
    huwag mo silang patawarin!
10 Pumasok(C) ka sa malaking bato,
    at magkubli ka sa alabok,
mula sa pagkatakot sa Panginoon
    at sa karangalan ng kanyang kamahalan.
11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay ibababa,
    at ang kapalaluan ng mga tao ay pangungumbabain,
at ang Panginoon lamang ang itataas
    sa araw na iyon.

12 Sapagkat may araw ang Panginoon ng mga hukbo
    laban sa lahat ng palalo at mapagmataas,
    laban sa lahat ng itinaas at ito'y ibababa;
13 laban sa lahat ng sedro ng Lebanon,
    na matayog at mataas;
    at laban sa lahat ng ensina ng Basan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok,
    at laban sa lahat ng mga burol na matayog,
15 laban sa bawat matayog na tore,
    at laban sa bawat matibay na pader,
16 laban sa lahat ng mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
    at laban sa lahat ng magagandang barko.
17 At ang kahambugan ng tao ay hahamakin,
    at ang pagmamataas ng mga tao ay ibababa;
    at ang Panginoon lamang ang itataas sa araw na iyon.
18 Ang mga diyus-diyosan ay mapapawing lubos.
19 Ang mga tao ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato,
    at sa mga butas ng lupa,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
    at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
    kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.

20 Sa araw na iyon ay ihahagis ng mga tao
    ang kanilang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanilang mga diyus-diyosang ginto,
na kanilang ginawa upang sambahin,
    sa mga daga at mga paniki;
21 upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato,
    at sa mga bitak ng mga bangin,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
    at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
    kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
22 Layuan ninyo ang tao,
    na ang hinga ay nasa kanyang ilong,
    sapagkat ano siya para pahalagahan?