Add parallel Print Page Options

Ang Pahayag Laban sa Tiro at Sidon

23 Ito(A) ang pahayag tungkol sa Tiro:

Manangis kayo, mga mangangalakal sa Tarsis,
    sapagkat ang Tiro na inyong daungan ay wasak na;
    wala na kayong mga tahanang matitirhan!
Ito'y inihayag na sa inyo mula sa lupain ng Cyprus.
Tumahimik kayo, mga nakatira sa dalampasigan;
    kayong mga mangangalakal ng Sidon,
nagpadala kayo ng inyong mga mensahero sa ibayong dagat,
    upang bilhin at ipagbili ang mga trigo ng Sihor,
    ang trigong inani sa kapatagan ng Nilo,
    at upang makipagkalakal sa lahat ng bansa.
Lunsod ng Sidon, mahiya ka naman!
    Isinusuka ka na ng karagatan, sapagkat ganito ang kanyang pahayag:
“Kailanma'y hindi ako nagkaanak;
    wala akong pinalaking mga anak na lalaki at babae.”
Kapag umabot sa mga Egipcio ang pagkawasak ng Tiro,
    sila'y tiyak na magigimbal at mapapahiya.
Tumawid kayo sa Tarsis;
    manangis kayo mga nakatira sa dalampasigan!
Ito ba ang masaya at maingay na lunsod ng Tiro
    na natatag noon pang unang panahon?
Ito ba ang lunsod na nagsugo ng mga mamamayan sa ibayong dagat
    upang doo'y magtayo ng mga bayan?
Sinong nagbalak nito
    laban sa maharlikang lunsod ng Tiro,
    na kinikilala ang mga dakilang mangangalakal,
    at pinaparangalan sa lahat ng bansa?
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagplano nito
    upang hamakin ang kanilang kataasan
    at hiyain ang mga taong dinadakila ng sanlibutan.
10 Kayong mangangalakal ng Tarsis,
    sakahin na ninyo[a] ang inyong lupain na tulad ng Nilo,
    sapagkat wala nang gagambala sa inyo.
11 Ang parusa ni Yahweh ay abot hanggang sa ibayong dagat
    at ibinagsak ang mga kaharian;
iniutos na niyang wasakin ang mga kuta sa Canaan.
12 Ang sabi ni Yahweh,
“Lunsod ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw mo!
    Kahit na pumunta ka sa Cyprus ay nanganganib ka pa rin.”

13 Masdan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia,
    ang bayang ito ay hindi Asiria,
    at ang Tiro ay pinananahanan na ng mga ligaw na hayop.
Pinaligiran siya ng mga tore at mga kuta,
    at winasak ang kanyang mga palasyo.
14 Manangis kayo mga mangangalakal ng Tarsis,
    sapagkat wasak na ang inyong inaasahan.
15 Pitumpung taon na malilimot ang Tiro,
    sintagal ng buhay ng isang hari.
Ngunit pagkatapos ng panahong iyon,
    siya'y muling babangon at matutulad sa babaing binabanggit sa awit na ito:
16 “Tugtugin mo ang iyong alpa,
    babaing haliparot,
    libutin mo ang lunsod;
galingan mo ang pagtugtog sa alpa,
    umawit ka ng maraming awitin
    upang ikaw ay muling balikan.”

17 Pagkatapos ng pitumpung taon, muling lilingapin ni Yahweh ang lunsod ng Tiro. Manunumbalik ito sa dating pamumuhay at muling ibebenta ang sarili sa lahat ng kaharian sa daigdig. 18 Ang kanilang tutubuin sa hanapbuhay ay hindi na nila iipunin. Sa halip, ito'y ihahandog nila kay Yahweh upang ibili ng pagkain at kasuotan ng mga taong sumasamba sa kanya.

Read full chapter

Footnotes

  1. Isaias 23:10 sakahin na ninyo: o kaya'y tawirin na ninyo; o kaya'y pabahain ninyo .

Ang Pahayag Laban sa Tiro

26 Noong(A) unang araw ng buwan,[a] ng ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, nang mawasak ang Jerusalem, sinabi ng Tiro: ‘Ngayong bagsak na ang pangunahing bansa, ako naman ang uunlad.’ Dahil dito, sabihin mo sa kanyang ito ang ipinapasabi ko: Tiro, ako'y laban sa iyo. Ipapalusob kita sa maraming bansa, tulad ng paghampas ng maraming alon sa dagat. Iguguho nila ang iyong kuta at ibabagsak ang iyong mga toreng bantayan. Kakalkalin ko ang iyong lupa hanggang sa bato ang matira. Magiging bilaran ka na lamang ng lambat sa gitna ng dagat at hahamakin ka ng kapwa mo bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito. Ang mga mamamayan sa kalakhan ng bansa ay papatayin sa tabak. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.”

Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ang Tiro ay ipasasalakay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ang pinakamakapangyarihang hari. Mula sa hilaga, darating siya kasama ang isang malaking hukbo at maraming karwahe at mangangabayo. Mapapatay sa digmaan ang mga nakatira sa kalakhang bahagi ng bansa. Gagawa sila ng mga hukay na pagkukublihan at iba pang kanlungan. Kukubkubin ka ng mga kawal na ang mga kalasag ay parang matibay na pader. Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal. 10 Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal. 11 Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi. 12 Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho. 13 Dahil(B) diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira. 14 Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

15 Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan. 16 Dahil(C) dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo. 17 Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito:

‘Ang bantog na lunsod ay nawasak,
pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat.
Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan.
Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat.
18 Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit.
Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’”

19 Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira. 20 Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman. 21 Daranasin(D) mo ang kakila-kilabot na wakas at ganap kang mawawala. Hahanapin ka ngunit hindi na matatagpuan.”

Ang Panaghoy para sa Tiro

27 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, awitan mo ng panaghoy ang Tiro. Sabihin mo sa kanya: Lunsod ng Tiro, lunsod na nasa bunganga ng dagat, at nakikipagkalakalan sa mga bansa sa malalayong dako. Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh:

‘Tiro, ipinagmamalaki mo ang iyong kagandahan at sinasabing wala kang kapintasan.’
Ang tahanan mo ay ang karagatan.
Ikaw ay ginawang tila isang magandang sasakyang-dagat.
Mga piling kahoy buhat sa Bundok Hermon ang tablang ginamit,
at ang palo ay kahoy buhat sa Lebanon.
Ang mga sagwan mo ay ensina buhat pa sa Bashan.
Mga tablang sedar buhat pa sa Cyprus
ang matibay mong kubyerta at may disenyo pang garing.
Hinabing lino buhat sa Egipto ang iyong layag
at siya mo ring bandila;
telang kulay ube na yari sa Cyprus ang bubong mo.
Mga taga-Sidon at Arvad ang iyong tagasagwan,
ang mga tripulante'y mga dalubhasa mong tauhan.
Ang mga karpintero mo'y sinanay pa sa Biblos.
Ang nakipagkalakalan sa iyo ay mga tripulante ng iba't ibang barko.

10 “Mga taga-Persia, Lydia at Libya ang bumubuo ng iyong hukbo. Mga kalasag at helmet nila'y nakapalamuti sa iyong mga dingding. 11 Mga taga-Arvad ang nakapaligid sa iyo, at mga taga-Gamad ang nasa iyong bantayan. Ang kanilang mga kalasag at helmet ang lumulubos sa iyong kagandahan.

12 “Ang Tarsis ay nakipagkalakalan sa iyo. Ang kanyang minang pilak, bakal, lata, at tingga ay ipinagpalit niya sa mga pangunahing paninda mo. 13 Ang Javan, Tubal at Meshec ay nagdala sa iyo ng mga alipin at kagamitang tanso bilang kapalit ng iyong mga produkto. 14 Kabayo at asno naman ang ibiniyahe sa iyo ng Beth-togarma. 15 Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Rodes. Maraming lugar sa baybayin ang dinalhan mo ng paninda; garing at pangil naman ng elepante ang kanilang ipinalit. 16 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Siria; esmeralda, purpurang pinong lino na nabuburdahan nang maganda, batong koral, at pulang rubi ang ipinalit niya sa mga pangunahin mong produkto. 17 Trigo naman, olibo, pulot-pukyutan, langis, at balsamo ang ipinalit ng Juda at Israel sa mga kalakal mo. 18 Ang Damasco ay nagdadala sa iyo ng inumin na yaring Helbon, puting lana, 19 inuming yaring Uzal na siyang pamalit sa kinuha niya sa iyo; mga kagamitang yaring bakal, akasya at kalamo ang iyong inaangkat. 20 Magagaspang na lanang panapin naman ang dinala sa iyo ng Dedan. 21 Ang Arabia naman at ang mga pangunahin ng Kedar ang pinanggalingan ng kailangan mong kordero, tupang lalaki, at mga kambing. 22 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Seba at Raama; ang dala nila'y lahat ng uri ng piling pabango, mamahaling bato, at mga ginto. 23 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Haran, Cane, Eden, Assur, at Kilmad. 24 Mamahaling damit na asul at burdado, alpombrang magaganda at iba't ibang kulay at natataliang mabuti ng kurdon. Ang mga ito ang ibinibiyahe nila sa iyo. 25 Mga(E) malalaking barko ang pambiyahe mo ng iyong mga produkto.

“Ikaw ay punung-puno ng mabigat na kalakal
sa gitna ng karagatan.
26 Dinadala ka ng mga tagasagwan mo sa iba't ibang lugar,
ngunit binayo ka ng hanging mula sa silangan, at nawasak sa gitna ng dagat.
27 Ang iyong kayamanan, kalakal,
mga marinero, kapitan,
tagakumpuni, mangangalakal, at mga kawal
ay kasama mong nalubog sa dagat nang ikaw ay mawasak.
28 Mga lugar sa baybayin ay nayanig
sa sigaw ng mga tagasagwan mong nalulunod sa gitna ng tubig.

29 “Wala nang tao isa man sa mga barko;
nag-alisan na ang mga tripulante.
30 Tinangisan ka nila nang buong kapaitan.
Nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo saka gumulong sa bunton ng abo.
31 Nag-ahit sila ng ulo.
Pagkatapos, nagbihis ng damit-panluksa
at nanangis nang kapait-paitan.
32 Ang panaghoy nila'y hinaluan pa ng panaghoy:
‘Sino ang nawasak sa gitna ng dagat na tulad ng Tiro?’ tanong nila.
33 Ang mga kalakal mo
ay pantugon sa pangangailangan ng marami.
Dahil sa yaman mo at paninda
ay bumuti ang buhay ng mga hari.
34 Ngayon, ikaw ay wasak na sa gitna ng karagatan.
Lumubog na kasama mo ang iyong mga produkto at mga tauhan.
35 Ang lahat sa baybay-dagat, pati nasa katihan,
ay nagtatakang natatakot sa iyong sinapit.
36 Katapusan mo na, mawawala ka na nang lubusan.
Lahat ng mangangalakal sa daigdig ay takot na takot at baka matulad sila sa iyong sinapit.”

Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro

28 Sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama't ang totoo'y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo'y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo'y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan. 10 Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Pagbagsak ng Hari ng Tiro

11 Sinabi sa akin ni Yahweh: 12 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan. 13 Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo. 14 Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang. 15 Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan. 16 Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang. 17 Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. 18 Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo. 19 Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.”

Ang Pahayag Laban sa Sidon

20 Sinabi(F) sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa Sidon at magpahayag laban sa kanya. 22 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sidon, ako ay kaaway mo. Pupurihin ako ng mga tao dahil sa gagawin ko sa iyo. Pagkatapos kong parusahan ang lahat ng naninirahan sa iyo, makikilala nilang ako si Yahweh at ipapakita ko na ako ay banal. 23 Padadalhan kita ng mga sakit. Ang mga lansangan mo ay matitigmak ng dugo. Sa kabi-kabila, patay ang makikita dahil sa pagkumpay ng tabak nang walang pakundangan at makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Pagpapalain ang Israel

24 Sinabi ni Yahweh, “Alinman sa mga bansang humahamak noon sa Israel ay hindi na magiging tinik na magpapahirap sa kanya. Kung magkagayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

25 Ipinapasabi pa ng Panginoong Yahweh: “Kapag natipon ko nang muli ang Israel mula sa iba't ibang panig ng daigdig, malalaman ng lahat ng bansa na ako ay banal. Sila'y maninirahan na sa kanilang tunay na lupain, sa lupaing itinalaga ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Doon, magtatayo sila ng kanilang tahanan at magtatanim ng mga halaman. Payapa silang makakapanirahan doon matapos kong parusahan ang mga karatig-bansa na humamak sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Footnotes

  1. Ezekiel 26:1 buwan: Sa Hebreo ay hindi nakasulat kung anong buwan ang tinutukoy.

“Ano(A) (B) ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo.[a] Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh.

Read full chapter

Footnotes

  1. Joel 3:5 mga templo: o kaya'y mga palasyo .

Sa Tiro

Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag;
    sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran.
10 Susunugin ko ang mga pader ng Tiro;
    tutupukin ko ang mga palasyo roon.”

Read full chapter

Akin din ang Hamat na nasa hangganan ng Hadrac, gayon din ang Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. Ang Tiro ay napapaligiran ng matibay na pader. Nag-ipon siya ng makapal na pilak at gintong sindami ng alabok sa lansangan. Ngunit ngayon, kukunin ni Yahweh ang lahat niyang ari-arian at ihahagis lahat sa dagat. Ang lunsod naman ay ipatutupok niya sa apoy.

Read full chapter