Add parallel Print Page Options

Ang Parusa sa Patuloy na Pagtataksil ng Israel

Huwag kang magalak, O Israel!
    Huwag kang matuwa, na gaya ng ibang mga bayan;
sapagkat ikaw ay naging bayarang babae,[a] tinalikuran mo ang iyong Diyos;
    iyong inibig ang bayad sa bayarang babae
    sa ibabaw ng lahat ng giikan.
Ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila,
    at ang bagong alak ay kukulangin sa kanya.
Sila'y hindi mananatili sa lupain ng Panginoon;
    kundi ang Efraim ay babalik sa Ehipto,
    at sila'y kakain ng maruming pagkain sa Asiria.

Hindi sila magbubuhos ng inuming handog sa Panginoon,
    ni makalulugod man sa kanya ang kanilang mga alay.
Ang kanilang mga handog ay magiging parang tinapay ng nagluluksa;
    lahat ng kumakain niyon ay madudungisan;
sapagkat ang kanilang tinapay ay para lamang sa kanilang gutom;
    hindi iyon papasok sa bahay ng Panginoon.
Ano ang inyong gagawin sa araw ng takdang kapulungan,
    at sa araw ng kapistahan ng Panginoon?
Sapagkat, narito, sila'y nakatakas mula sa pagkawasak,
    gayunma'y titipunin sila ng Ehipto,
    sila'y ililibing ng Memfis;
ang kanilang mahahalagang bagay na pilak ay aariin ng dawag;
    magkakaroon ng mga tinik ang kanilang mga tolda.

Ang(A) mga araw ng pagpaparusa ay dumating na,
    sumapit na ang mga araw ng paniningil;
    hayaang malaman iyon ng Israel.
Ang propeta ay hangal,
    ang lalaking may espiritu ay ulol,
dahil sa iyong malaking kasamaan,
    at malaking poot.
Ang propeta ang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos,
gayunma'y nasa lahat ng kanyang daan ang bitag ng manghuhuli,
    at ang pagkamuhi ay nasa bahay ng kanyang Diyos.
Pinasama(B) nila nang lubusan ang kanilang mga sarili.
    na gaya nang mga araw ng Gibea;
kanyang aalalahanin ang kanilang kasamaan,
    kanyang parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan.

Ang Kasalanan ng Israel at mga Bunga Nito

10 Aking(C) natagpuan ang Israel na parang ubas sa ilang.
Aking nakita ang inyong mga magulang
    na parang unang bunga sa puno ng igos
    sa kanyang unang kapanahunan.
Ngunit sila'y pumaroon kay Baal-peor,
    at itinalaga ang kanilang sarili sa kahihiyan,
    at naging kasuklamsuklam na gaya ng bagay na kanilang inibig.
11 Ang kaluwalhatian ng Efraim, ay lilipad papalayo na parang ibon;
    walang panganganak, walang pagbubuntis, at walang paglilihi!
12 Kahit magpalaki pa sila ng mga anak,
    aalisan ko sila ng anak hanggang walang matira.
Oo, kahabag-habag sila
    kapag ako'y humiwalay sa kanila!
13 Ang Efraim, gaya nang aking makita ang Tiro, na natatanim sa magandang dako,
    ngunit ilalabas ng Efraim ang kanyang mga anak sa katayan.
14 Bigyan mo sila, O Panginoon—anong iyong ibibigay?
Bigyan mo sila ng mga sinapupunang maaagasan
    at ng mga tuyong suso.

Hinatulan ng Panginoon ang Efraim

15 Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal;
    doo'y nagsimula kong kapootan sila.
Dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa,
    palalayasin ko sila sa aking bahay.
Hindi ko na sila iibigin;
    lahat ng kanilang pinuno ay mga mapanghimagsik.

16 Ang Efraim ay nasaktan,
    ang kanilang ugat ay natuyo,
    sila'y hindi magbubunga.
Kahit sila'y manganak,
    aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang sinapupunan.

Nagsalita ang Propeta tungkol sa Israel

17 Itatakuwil sila ng aking Diyos,
    sapagkat hindi sila nakinig sa kanya;
    at sila'y magiging mga palaboy sa gitna ng mga bansa.

Footnotes

  1. Hoseas 9:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .