Add parallel Print Page Options

Sinubok ng Diyos si Abraham

22 Pagkalipas(A) ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos, “Abraham!” “Narito po ako,” tugon naman niya.

Sinabi(B) sa kanya, “Isama mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”

Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. Nang ikatlong araw ng paglalakbay, natanaw na nila ang dakong kanilang pupuntahan. Kaya't sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo rito ang asno at kami na lamang ng bata ang aakyat sa bundok. Sasamba kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.”

Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong. Dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!”

“Ano iyon, anak?” tugon ni Abraham.

“Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang tupang ihahandog?” tanong ni Isaac.

Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon.” Kaya't nagpatuloy sila sa paglakad.

Pagsapit(C) nila sa lugar na itinuro ng Diyos, gumawa ng altar si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac matapos gapusin. 10 Nang sasaksakin na niya ang bata, 11 tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, “Abraham, Abraham!”

“Narito po ako,” sagot ni Abraham.

12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.”

13 Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.”

Read full chapter

Si Abraham

19 Si(A) Abraham naman ang naging ama ng maraming bansa,
    at walang maipapantay sa kanyang karangalan.[a]
20 Sinunod niya ang utos ng Kataas-taasang Diyos,
    at nakipagtipan siya sa Panginoon.
Dinala niya sa katawan ang tanda ng kanilang kasunduan,
    at natagpuang tapat sa oras ng pagsubok.
21 Kaya't ipinangako sa kanya ng Panginoon
    na pagpapalain ang mga bansa sa pamamagitan ng kanyang lahi;
ang mga salinlahi niya'y daraming parang alabok,
    at magniningning na parang mga bituin.
Ibibigay niya sa kanila bilang pamana ang isang lupaing ang mga hangganan ay dagat,
    at mula sa ilog hanggang sa dulo ng daigdig.

Read full chapter

Footnotes

  1. 19 walang maipapantay sa kanyang karangalan: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay ang kanyang karangalan ay dalisay at ganap .

52 Hindi(A) ba't si Abraham ay sinubok at nagtagumpay, at dahil dito'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid?

Read full chapter