Add parallel Print Page Options

Ang Paglalakbay ni Pablo sa Jerusalem

21 Nagpaalam kami sa mga namumuno sa iglesya sa Efeso, at bumiyahe kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodes. At mula roon, nagpatuloy kami sa Patara. Doon sa Patara ay may nakita kaming barko na papuntang Fenicia, kaya sumakay agad kami. Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.

Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. 11 Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. 13 Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” 14 Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.”

Dumating si Pablo sa Jerusalem

15 Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilang mga tagasunod ni Jesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang tagasunod ni Jesus.

Dinalaw ni Pablo si Santiago

17 Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, sumama kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem. 19 Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan niya.

20 Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Dios. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libu-libo nang mga Judio ang sumampalataya kay Jesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan ni Moises. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Judiong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Judio. 22 Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka. 23 Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Dios. 24 Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya para makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan ni Moises. 25 Kung tungkol sa mga hindi Judiong sumasampalataya kay Jesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga dios-diosan, o dugo, o karne ng hayop na namatay na hindi tumulo ang dugo. At iwasan nila ang sekswal na imoralidad.” 26 Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis para maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila.

Hinuli si Pablo

27 Nang matatapos na ang ikapitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa templo na hulihin si Pablo. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayan kong mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo laban sa Kautusan at sa templong ito kahit saan siya pumunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa templo ang mga hindi Judio, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” 29 (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimus na taga-Efeso na sumama kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa templo).

30 Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng templo. 31 Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa kumander ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. 33 Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” 34 Pero iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa kampo. 35 Pagdating nila sa hagdanan ng kampo, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga tao 36 na humahabol at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang dalhin na si Pablo sa loob ng kampo ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “May sasabihin sana ako sa iyo.” Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griego? 38 Ang akala koʼy ikaw ang lalaking taga-Egipto na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan. Dinala niya sa disyerto ang 4,000 lalaking matatapang at pawang armado.” 39 Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Judiong taga-Tarsus na sakop ng Cilicia. Ang Tarsus ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan siya ng kumander, kaya tumayo si Pablo sa hagdanan at sumenyas sa mga tao na may sasabihin siya. Nang tumahimik na sila, nagsalita siya sa wikang Hebreo.

Si Pablo sa Jerusalem

21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila ay naglakbay kami patungong Cos. Kinabukasa'y nagtungo naman kami sa Rodas, at buhat doon ay sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong daraan sa Fenicia, kaya sumakay kami at naglakbay. Dumaan kami sa dakong timog ng Cyprus, pagkatapos ay patuloy na naglayag hanggang sa Syria. Dumaong kami sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito. Nakatagpo kami roon ng mga alagad at isang linggo kaming tumigil sa piling nila. Sa patnubay ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem. Nang dumating na ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Inihatid kami ng lahat ng mga kapatid, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, hanggang sa labas ng bayan. Pagdating sa baybayin, kami'y sama-samang lumuhod at nanalangin. Matapos magpaalam sa isa't isa, sumakay kami ng barko, at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.

Ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay mula sa Tiro, hanggang dumating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid doon at nanatiling kasama nila ng isang araw. Kinabukasan, (A) nagtungo kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong tagapaglingkod. Siya ay may apat na anak na dalaga na nagpapahayag ng propesiya. 10 Ilang araw na kaming naroroon (B) nang dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at tinalian niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Banal na Espiritu, ‘Ganito tatalian ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’ ” 12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lang ninyo ang loob ko. Handa ako, hindi lamang mabilanggo kundi kahit mamatay sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14 Tumigil kami nang hindi namin siya mapigil. Sinabi na lamang namin, “Mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”

15 Pagkaraan ng ilang araw, naghanda na kami patungo sa Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, na matagal nang alagad. Doon kami nanuluyan.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Nang makarating kami sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami at si Pablo ay nakipagkita kay Santiago; naroroon din ang lahat ng matatandang namamahala ng iglesya. 19 Binati silang lahat ni Pablo, at pagkatapos ay isa-isa niyang isinalaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. 20 Nang marinig nila ito, pinuri nila ang Diyos at sinabi kay Pablo, “Kapatid, ilang libo na sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa Kautusan. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikuran na si Moises. Sinasabi mo rin daw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sumunod sa mga kaugalian. 22 Ano ang dapat naming gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Kaya't (C) ganito ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis. Ikaw na ang magbayad para maahit ang kanilang mga ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na walang katotohanan ang kanilang nabalitaan tungkol sa iyo, kundi ikaw mismo ay tumutupad sa Kautusan. 25 Tungkol (D) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng sulat na nagsasaad ng aming pasyang huwag silang kumain ng mga ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, ng hayop na binigti,[a] at umiwas sa pakikiapid.” 26 Isinama nga ni Pablo ang mga lalaking may panata at kinabukasan ay isinagawa ang paglilinis. Pagkatapos ay pumasok siya sa Templo upang ipagbigay-alam kung kailan matatapos ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, nakita ng mga Judiong taga-Asia si Pablo na nasa Templo. Sinulsulan nila ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayang Israelita, tulungan ninyo kami! Ito ang taong nagtuturo sa lahat laban sa ating bansa, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templo. Nagsama pa siya ng mga Griyego sa Templo! Nilalapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Sinabi nila iyon sapagkat (E) nakita nila noong una na kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso, at inakala nilang ipinasok niya ito sa Templo. 30 Nagkagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang mga pintuan. 31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, nabalitaan ng kapitan ng mga kawal na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturyon, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Nang makita ng mga tao ang kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo. 33 Pagkatapos nito, lumapit ang kapitan, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito?” tanong niya. “Ano ba'ng ginawa niya?” 34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao; at dahil sa kaguluhan ay hindi maunawaan ng kapitan ang totoong nangyari. Kaya't iniutos niyang dalhin si Pablo sa himpilan. 35 Nang dumating si Pablo sa hagdanan, binuhat na siya ng mga kawal sapagkat naging marahas na ang maraming tao. 36 Sumusunod ang taong-bayan at sumisigaw, “Patayin siya!”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan ay sinabi niya sa kapitan, “Maaari ba kayong makausap?”

At sinabi ng kapitan, “Marunong ka ng Griyego? 38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipciong nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?” 39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng hindi hamak na lungsod. Nakikiusap ako, pahintulutan ninyo akong magsalita sa mga taong-bayan.” 40 Pinayagan siya ng kapitan kaya't siya'y tumayo sa mga baytang at sumenyas sa mga tao. Nang sila'y tumahimik ay nagsalita siya sa wikang Hebreo:

Footnotes

  1. Mga Gawa 21:25 Sa ibang manuskrito walang hayop na binigti.