Add parallel Print Page Options

Ang Pagtawag ni Cornelius kay Pedro

10 Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano. Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios. Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!” Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios. Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat.[a] Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.” Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan. Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.

Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[b] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.

17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa. 24 Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25 Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26 Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27 At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28 Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29 Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”

30 Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31 Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32 Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”

Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius

34 Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43 Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio

44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.

Footnotes

  1. 10:6 mangungulti ng balat: sa Ingles, tanner.
  2. 10:9 Ang kanilang mga bubong noon ay pantay, at minsan doon sila nagpapahinga.

Si Pedro at si Cornelio

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio, isang senturyon ng tinatawag na batalyong Italiano. Kasama ang kanyang buong sambahayan, siya ay masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang mag-iikatlo ng hapon,[a] nagkaroon siya ng pangitain. Kitang-kita niyang dumarating ang isang anghel ng Diyos at tinawag siya, “Cornelio.” Natatakot siyang tumingin sa kanya at nagtanong, “Ano po iyon, panginoon?” Sumagot ito sa kanya, “Nakaabot sa pansin ng Diyos ang iyong mga panalangin at ang pagtulong mo sa mga dukha. Ngayon di'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang taong nagngangalang Simon na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon, isang tagapagbilad ng balat ng hayop, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.” Pag-alis ng anghel na kumausap sa kanya, tinawag ni Cornelio ang dalawa sa kanyang mga utusan at isang relihiyosong kawal na isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang buong pangyayari, at pagkatapos ay pinapunta sila sa Joppa.

Kinabukasan, nang magtatanghaling tapat,[b] samantalang naglalakbay at malapit na sa lungsod ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin. 10 Siya'y nagutom at nais nang kumain. Samantalang inihahanda ang kanyang pagkain, nawalan siya ng malay at nagkaroon ng pangitain. 11 Nakita niyang nabuksan ang langit, at may isang bagay tulad ng isang malapad na kumot ang ibinababa sa lupa, nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na lumalakad at mga gumagapang sa lupa, maging mga lumilipad sa himpapawid. 13 May tinig na nagsabi sa kanya, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.” 14 Subalit sumagot si Pedro, “Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.” 15 Muling sinabi sa kanya ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Nangyari ito ng tatlong ulit, at pagkatapos ay agad binatak pataas sa langit ang kumot.

17 Samantalang iniisip ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, natagpuan naman ng mga taong inutusan ni Cornelio ang bahay ni Simon. Tumayo sila sa harapan ng pintuan 18 at tumawag upang tanungin kung doon nanunuluyan si Simon, na kilala ring Pedro.

19 Pinag-iisipan pa noon ni Pedro ang tungkol sa pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Bumaba ka at huwag kang mag-atubiling sumama sa kanila sapagkat ako ang nagsugo sa kanila.” 21 Bumaba nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang pakay ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Si Cornelio na isang senturyon ang nagsugo sa amin. Siya'y isang taong matuwid, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Pinagbilinan siya ng isang anghel na papuntahin ka sa kanyang bahay upang marinig ang iyong sasabihin.” 23 Kaya't inanyayahan sila ni Pedro at doon na pinagpalipas ng gabi.

Kinabukasan, sumama siya sa kanila. Sumama din ang ilang mga kapatid mula sa Joppa. 24 Nang sumunod na araw na sila dumating sa Cesarea. Naghihintay sa kanila si Cornelio, na nag-anyaya pa ng kanyang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. 25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. 26 Ngunit itinayo siya ni Pedro, habang sinasabi, “Tumayo ka! Tao rin akong katulad mo.” 27 Habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at nakita ang maraming taong nagtitipon. 28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyong ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi o karumal-dumal ang isang tao. 29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Maaari ko bang malaman kung bakit mo ako ipinasundo?” 30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakararaan, halos ikatlo rin ng hapon,[c] habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang lumitaw sa harapan ko ang isang lalaking may maningning na kasuotan. 31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong dalangin, at nakaabot sa kanya ang pagtulong mo sa mga dukha. 32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinasundo agad kita, at mabuti naman na naparito ka. Ngayo'y naririto kaming lahat sa harapan ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”

Ang Pangangaral ni Pedro sa Sambahayan ni Cornelio

34 Nagsimulang magsalita (A) si Pedro at kanyang sinabi, “Nauunawaan ko na ngayong wala talagang kinikilingan ang Diyos. 35 Kinalulugdan niya ang sinuman mula sa bawat bansa na may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid. 36 Ito ang salitang kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Siya ang Panginoon ng lahat. 37 Alam ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan: 38 kung paanong si Jesus na taga-Nazareth ay binuhusan ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos. 39 Saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila sa pamamagitan ng pagbitay sa kanya sa isang punongkahoy. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Nakita siya, 41 hindi ng buong bayan, kundi ng mga saksing hinirang ng Diyos. Kami ang mga saksing kumain at uminom na kasalo niya matapos ang kanyang muling pagkabuhay. 42 Itinagubilin niya sa amin na mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay. 43 Nagpatotoo tungkol sa kanya ang lahat ng mga propeta na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu sa mga Hentil

44 Habang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio,[d] na dumating kasama ni Pedro ay nagtaka sapagkat ibinuhos din ang kaloob ng Banal na Espiritu sa mga Hentil. 46 Sapagkat narinig nilang ang mga ito'y nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Dahil dito'y sinabi ni Pedro, 47 “Sino ang makahahadlang upang mabautismuhan ang mga ito na tulad natin ay tumanggap din ng Banal na Espiritu?” 48 At nag-utos siya na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, sila'y nakiusap sa kanyang manatili pa roon ng mga ilang araw.

Footnotes

  1. Mga Gawa 10:3 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  2. Mga Gawa 10:9 Sa Griyego, ikaanim na oras.
  3. Mga Gawa 10:30 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  4. Mga Gawa 10:45 Sa Griyego mula sa pagtutuli.