Add parallel Print Page Options

Kautusan o Pananampalataya

O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus!

Ang tanging bagay na nais kong matutunan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya?

Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman?

Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan?—kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan.

Ang Diyos[a] ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya?

Kung(A) paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran.

Kaya't(B) inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham.

At(C) ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, “Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.”

Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham.

10 Sapagkat(D) ang lahat na umaasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat isang hindi sumusunod sa lahat ng bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan.”

11 Ngayon(E) ay maliwanag na walang sinumang inaaring-ganap sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[b]

12 Subalit(F) ang kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya; sa halip, “Ang gumagawa ng mga iyon ay mabubuhay sa mga iyon.”

13 Tinubos(G) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin—sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punungkahoy”—

14 upang kay Cristo Jesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang Pangako kay Abraham

15 Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa tao, kapag napagtibay na ang tipan ng isang tao, walang makapagdaragdag o makapagpapawalang-bisa nito.

16 Ngayon, ang mga pangako ay ginawa kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi, “At sa mga binhi,” na tungkol sa marami; kundi tungkol sa iisa, “At sa iyong binhi,” na si Cristo.

17 Ito(H) ang ibig kong sabihin: “Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang-bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang-saysay ang pangako.

18 Sapagkat(I) kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, subalit ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.

Ang Layunin ng Kautusan

19 Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan.

20 Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa.

21 Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay-buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan.

22 Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya.

23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.

24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.

25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.

26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.

27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.

29 At(J) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.

Footnotes

  1. Galacia 3:5 Sa Griyego ay Siya .
  2. Galacia 3:11 o Ang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay .

Kautusan o Pananampalataya

Nasisiraan na kayo ng ulo, mga taga-Galacia! Sino ba ang gumayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo kung paanong ipinako si Cristo sa krus! Sagutin nga ninyo ito: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagtupad ninyo sa mga hinihingi ng Kautusan, o sa pamamagitan ng pananampalataya sa narinig ninyong ebanghelyo? Talaga bang nasisiraan na kayo ng ulo? Nagsimula kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa sariling pagsisikap? Wala na bang halaga sa inyo ang mga pinaghirapan ninyo? Tiyak kong mayroon! Ipinagkaloob ba ng Diyos sa inyo ang Espiritu at gumagawa ba siya ng mga himala sa gitna ninyo dahil sa mga gawa ninyo ayon sa Kautusan, o dahil sa pananampalataya ninyo sa inyong narinig? Tingnan ninyo si Abraham! (A) “Sumampalataya siya sa Diyos, kaya't siya'y itinuring na matuwid.”

Kaya't dapat ninyong maunawaan (B) na ang mga sumasampalataya ang mga tunay na anak ni Abraham. Sa simula pa ay ipinakita na ng kasulatan (C) na ituturing ng Diyos na matuwid ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Nang una pa man ay ipinahayag na ang ebanghelyo kay Abraham nang sabihing, “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.” Sumampalataya si Abraham kaya't siya'y pinagpala. Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ni Abraham. 10 Nasa ilalim ng sumpa ang lahat na umaasa sa mga gawa ng Kautusan, (D) sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Maliwanag (E) na walang sinumang itinuturing na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan. Ang kasulatan ay nagsabi, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a] 12 Subalit (F) ang Kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya. Sa halip, sabi nga ng kasulatan, “Ang tumutupad sa mga hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.” 13 Subalit si Cristo ay isinumpa para sa atin (G) at tinubos niya tayo mula sa sumpa ng Kautusan. Ayon nga sa nakasulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Tinubos tayo ni Cristo upang ang pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay ipagkaloob din sa mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus, at upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang Espiritu na siyang ipinangako.

Ang Pangako kay Abraham

15 Mga kapatid, hayaan ninyong magbigay ako ng isang pang-araw-araw na halimbawa: kapag napagtibay na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-bisa o madadagdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi ng kasulatan na, “At sa mga binhi,” na nangangahulugang marami, kundi “At sa iyong binhi,” na nangangahulugang isa lamang, at ito'y si Cristo. 17 Ito (H) ang ibig kong sabihin: Ang kasunduan na dati nang pinagtibay ng Diyos ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan. Ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan, na dumating lamang pagkaraan ng apatnaraan at tatlumpung taon. 18 Sapagkat (I) kung ang pamana ay nakasalig sa Kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako. Subalit ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang ipinagkaloob kay Abraham ang pamana bilang katuparan ng kanyang pangako.

Ang Layunin ng Kautusan

19 Kung ganoo'y bakit ibinigay pa ang Kautusan? Idinagdag ito upang ipakita ang mga pagsuway, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.

21 Nangangahulugan bang ang Kautusan ay sumasalungat sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Kung may kautusang ibinigay na makapagbibigay-buhay, sana'y ituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng pagsunod niya dito. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, upang ang pangako ay makamtan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.

23 Ngunit bago dumating ang panahon ng pananampalataya ay nasa ilalim tayo ng kapangyarihan ng Kautusan hanggang ang pananampalataya kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ay naging tagapagturo natin hanggang dumating si Cristo, upang tayo'y ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. 25 Subalit ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya kay Cristo ay wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan. 26 Sapagkat kayong lahat ay anak ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Nang kayo'y mabautismuhan kay Cristo, mismong siya ay parang damit na isinuot sa inyo. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at Griyego, ang alipin at malaya, ang lalaki at babae; kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At (J) kung kayo'y nakipag-isa kay Cristo, kayo'y kabilang na sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako ng Diyos.

Footnotes

  1. Galacia 3:11 o Ang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.