Add parallel Print Page Options

Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel

19 At ikaw, tumaghoy ka para sa mga pinuno ng Israel,

at iyong sabihin:
Parang isang babaing leon ang iyong ina!
Siya'y humiga sa gitna ng mga leon,
    na inaalagaan ang kanyang mga anak.
Pinalaki niya ang isa sa kanyang mga anak;
    siya'y naging isang batang leon,
at natuto siyang manghuli;
    siya'y nanlapa ng mga tao.
Ang mga bansa ay nagpatunog ng babala laban sa kanya;
    siya'y dinala sa kanilang hukay;
at dinala nila siyang nakakawit
    sa lupain ng Ehipto.
Nang makita niya na siya'y naghintay,
    at ang kanyang pag-asa ay nawala,
kumuha siya ng isa pa sa kanyang mga anak,
    at ginawa siyang batang leon.
Siya'y nagpagala-galang kasama ng mga leon;
    siya'y naging batang leon,
at siya'y natutong manghuli, at nanlapa ng mga tao.
At giniba niya ang kanilang mga tanggulan,
    at sinira ang kanilang mga lunsod;
at ang lupain ay natakot, at ang lahat na naroon,
    sa ugong ng kanyang ungal.
Nang magkagayo'y naglagay ang mga bansa
    ng mga bitag laban sa kanya sa bawat dako;
inilatag nila ang kanilang lambat laban sa kanya;
    dinala siya sa kanilang hukay.
Inilagay nila siya sa isang kulungan na may kawit,
    at dinala nila siya sa hari ng Babilonia;
    at dinala nila siya sa pamamagitan ng lambat,
upang ang kanyang tinig ay huwag nang marinig
    sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay parang ubas sa iyong ubasan
    na itinanim sa tabi ng tubig,
siya'y mabunga at punô ng mga sanga,
    dahil sa maraming tubig.
11 Ang kanyang pinakamatibay na sanga
    ay naging setro ng namumuno;
ito ay tumaas na tunay
    sa makapal na sanga;
ito'y namasdan sa kataasan
    sa karamihan ng kanilang mga sanga.
12 Ngunit ang puno ng ubas ay binunot dahil sa poot,
    inihagis sa lupa;
tinuyo ito ng hanging mula sa silangan;
    at inalis ang bunga nito,
ang kanyang matitibay na sanga ay nabali,
    at tinupok ng apoy.
13 Ngayo'y inilipat ito ng taniman sa ilang,
    sa isang tuyo at uhaw na lupain.
14 At lumabas ang apoy sa mga sanga nito,
    at tinupok ang kanyang mga sanga at bunga,
kaya't doo'y walang naiwang matibay na sanga,
    walang setro para sa isang pinuno.

Ito ay panaghoy, at naging panaghoy.