Add parallel Print Page Options

Ang Tungkod ni Aaron

Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.” 10 Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod. 11 Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron. 12 Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron. 13 Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh.

Ang Unang Salot: Naging Dugo ang Tubig

14 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. 15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. 16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. 17 Ngunit(B) tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig 18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”

19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”

20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. 22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. 23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. 24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.

Ang Ikalawang Salot: Ang Napakaraming Palaka

Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2-3 Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto. Pupunuin ko ng palaka ang Ilog Nilo. Papasukin ng mga ito ang palasyo at aakyatin pati higaan mo. Papasukin din ng mga ito ang bahay ng mga tauhan mo at ng lahat ng Egipcio, ganoon din ang inyong mga lutuan at lalagyan ng pagkain. Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.”

Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapunô ng palaka ang buong Egipto.” Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan.

Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.”

Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.”

10 “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon.

“Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. 11 Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” 12 Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. 13 Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. 14 Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. 15 Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron.

Ang Ikatlong Salot: Ang mga Niknik

16 Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. 17 Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. 18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. 19 Dahil(C) dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.

Ang Ikaapat na Salot: Ang mga Langaw

20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran. 22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. 23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.” 24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.

25 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.”

26 Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. 27 Ang kailangan po'y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin.”

28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong umalis, ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako.”

29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko po rito'y ipapanalangin ko kay Yahweh na alisin sa inyo ang mga langaw, gayon din sa inyong mga tauhan at nasasakupan. Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain; huwag ninyo kaming hahadlangan sa paghahandog namin kay Yahweh.”

30 Umalis si Moises at nanalangin. 31 Tinugon naman siya ni Yahweh, at umalis nga ang mga langaw; walang natira ni isa man. 32 Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon; hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita.

Ang Ikalimang Salot: Ang Pagkamatay ng mga Hayop

Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon at sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng mga Hebreo, na payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag pinigil pa niya kayo, paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari.”

Kinabukasan, ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi at namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, ngunit kahit isa'y walang namatay sa hayop ng mga Israelita. At nang patingnan ng Faraon, wala ngang namatay sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ito at ayaw pa ring payagan ang mga Israelita.

Ang Ikaanim na Salot: Ang mga Pigsa

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Dumakot kayo ng abo sa pugon at ito'y pataas na ihahagis ni Moises na nakikita ng Faraon. Mapupuno ng pinong alikabok ang buong Egipto at ang lahat ng tao at hayop sa lupain ay matatadtad ng mga pigsang nagnanaknak.” 10 Kumuha(D) nga sila ng abo sa pugon at pumunta sa Faraon. Pagdating doon, pataas na inihagis ni Moises ang abo at natadtad nga ng mga pigsang nagnanaknak ang mga tao't mga hayop sa buong Egipto. 11 Ang mga salamangkero'y hindi na nakaharap kay Moises sapagkat sila ma'y tadtad rin ng mga pigsang nagnanaknak. 12 Samantala, ang Faraon ay pinagmatigas pa rin ni Yahweh. Hindi nito pinansin ang mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikapitong Salot: Ang Malakas na Ulan ng Yelo

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. 16 Ngunit(E) hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. 17 Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. 18 Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. 19 Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” 20 Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop 21 ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop.

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” 23 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. 24 Malakas(F) na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. 25 Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. 26 Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.

27 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. 28 Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.”

29 Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, 30 kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.”

31 Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. 32 Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito.

33 Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. 34 Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. 35 Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikawalong Salot: Ang mga Balang

10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Pinagmatigas ko ang kanyang kalooban at ng kanyang mga tauhan para maipakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Ginagawa ko ang mga kababalaghang ito upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo kung paano ko ipinakita sa mga Egipcio ang aking kapangyarihan at sa gayo'y kikilalanin ninyong lahat na ako si Yahweh.”

Pumunta sa Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Hanggang kailan ka ba magmamatigas? Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag hindi mo pa sila pinayagan, bukas na bukas din ay magpapadala ako ng makapal na balang sa iyong bansa. Mapupuno nito ang buong Egipto, kaya't wala kang makikita kundi balang. Uubusin nito ang lahat ng hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, pati ang mga punongkahoy. Papasukin ng mga ito ang iyong palasyo at ang bahay ng iyong mga tauhan at mga nasasakupan. Ang salot na ito ay higit na matindi kaysa alinmang salot ng balang na naranasan ng inyong mga ninuno.’” Pagkasabi nito'y umalis si Moises.

Sinabi sa Faraon ng kanyang mga tauhan, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto?”

Kaya't ipinasundo ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Kung papayagan ko kayong umalis upang sumamba kay Yahweh, sinu-sino ang inyong isasama?”

Sumagot si Moises, “Lahat po kami, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Dadalhin din naming lahat ang aming mga tupa, kambing at mga baka. Kailangan pong kasamang lahat sapagkat ipagpipista namin si Yahweh.”

10 Sinabi ng Faraon, “Tawagin na ninyo si Yahweh, hindi ko papayagang isama ninyo ang inyong mga asawa't mga anak. Maliwanag na may binabalak kayong masama. 11 Hindi ako papayag na isama ninyo ang lahat, kayo na lang mga lalaki ang umalis upang sumamba sa inyong Yahweh kung iyan ang gusto ninyo.” Pagkasabi nito'y ipinagtabuyan sila ng Faraon.

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at dadagsa sa buong Egipto ang makapal na balang. Uubusin ng mga ito ang mga halamang hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo.” 13 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Maghapo't magdamag na pinaihip ni Yahweh sa buong Egipto ang hangin mula sa silangan. Kinaumagahan, tangay na ng hangin ang makapal na balang 14 at(G) ito'y dumagsa sa buong Egipto. Kailanma'y hindi nagkaroon ng ganoon karaming balang sa lupaing ito at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Nangitim ang lupa sa dami ng balang; inubos ng mga ito ang lahat ng halaman, pati mga bunga ng kahoy na hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Walang halaman o punongkahoy na naiwang may dahon sa buong lupain.

16 Dali-daling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Nagkasala ako kay Yahweh na inyong Diyos, gayundin sa inyo. 17 Patawarin ninyo ako at ipinapakiusap kong ipanalangin ninyo kay Yahweh na alisin na sa akin ang nakamamatay na parusang ito.” 18 Iniwan ni Moises ang Faraon at siya'y nanalangin. 19 Binago naman ni Yahweh ang takbo ng hangin. Pinaihip niya ang malakas na hangin mula sa kanluran at tinangay nito ang lahat ng balang papunta sa Dagat na Pula;[a] isa ma'y walang natira sa Egipto. 20 Ngunit pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon; hindi nito pinayagang umalis ang mga Israelita.

Ang Ikasiyam na Salot: Ang Kadiliman sa Egipto

21 Sinabi(H) ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay, at mababalot ng dilim ang buong Egipto.” 22 Ganoon(I) nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw. 23 Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya't walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita.

24 Tinawag ng Faraon si Moises. Sinabi niya, “Makakaalis na kayo upang sumamba kay Yahweh. Maaari ninyong isama ang inyong mga pamilya, ngunit iiwan ninyo ang lahat ng tupa, kambing at baka.”

25 Sumagot si Moises, “Hindi po maaari. Kailangang bigyan ninyo kami ng mga hayop na ihahandog namin kay Yahweh na aming Diyos. 26 Kaya kailangang dalhin din namin ang lahat naming hayop at wala ni isa mang maiiwan sapagkat pipiliin pa namin sa mga ito ang ihahandog namin kay Yahweh. At hindi namin malalaman kung alin ang ihahandog namin sa kanya hanggang hindi kami dumarating sa lugar na pagdarausan namin ng pagsamba.”

27 Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita. 28 Sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.”

29 “Masusunod ang gusto ninyo,” sagot ni Moises. “Hindi mo na ako muling makikita.”

Ipinahayag ni Moises ang Pagkamatay ng mga Panganay

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isa na lamang salot ang ipadadala ko sa Faraon at sa buong Egipto at papayagan na niya kayong umalis. Hindi lamang niya kayo papayagang umalis; ipagtatabuyan pa niya kayo. Sabihin mo sa mga Israelita, babae man o lalaki, na humingi sila ng mga alahas na pilak o ginto sa kanilang mga kapitbahay.” Niloob ni Yahweh na igalang ng mga Egipcio ang mga Israelita. Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan.

Sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pagdating ng hatinggabi, maglalakad ako sa buong Egipto, at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, mula sa anak na magmamana ng trono ng Faraon, hanggang sa panganay na anak ng hamak na aliping babae na tagagiling ng trigo; pati panganay ng mga hayop ay mamamatay. Walang maririnig sa buong Egipto kundi ang malakas na panaghoy na hindi pa naririnig at hindi na maririnig kailanman. Ngunit ang mga Israelita, maging ang kanilang mga hayop, ay hindi man lamang tatahulan ng aso upang kilalanin mo na may pagkakaiba ang pagtingin ni Yahweh sa mga Israelita at sa mga Egipcio.’ Lahat ng tauhan mo'y luluhod sa akin at magsasabi: ‘Lumayas na kayo ng mga kababayan mo.’ Pagkatapos nito'y aalis ako.” Pagkasabi nito'y galit na galit na iniwan ni Moises ang Faraon.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hindi ka papakinggan ng Faraon kaya't gagawa pa ako ng mga kababalaghan sa Egipto.” 10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng kababalaghang ito, ngunit hindi rin pumayag ang Faraon na umalis ang mga Israelita sa lupain ng Egipto.

Ang Pista ng Paskwa

12 Sinabi(J) ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. 10 Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan. 11 Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.

12 “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. 13 Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. 14 Ang(K) araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.

Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa

15 “Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw pa lamang, aalisin ninyo sa inyong tahanan ang lahat ng pampaalsa, sapagkat ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon. 16 Sa una at ikapitong araw ay magtitipun-tipon kayo upang sumamba. Sa loob ng dalawang araw na ito ay walang gagawa ng anuman liban sa paghahanda ng pagkain. 17 Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito'y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi. 18 Tinapay na walang pampaalsa ang inyong kakainin simula sa gabi ng ikalabing apat na araw hanggang sa gabi ng ikadalawampu't isa ng unang buwan ng taon. 19 Sa loob ng pitong araw, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa inyong mga bahay. Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, maging siya'y dayuhan o purong Israelita. 20 Saanman kayo naroroon, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa tuwing ganitong panahon. Ang kakainin ninyo'y tinapay na walang pampaalsa.”

Ang Unang Paskwa

21 Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa. 22 Kumuha kayo ng sanga ng halamang hisopo, basain ito ng dugo ng tupa at ipahid sa magkabilang poste at itaas ng inyong pintuan. At isa man sa inyo ay huwag lalabas ng bahay hanggang kinabukasan. 23 Sa(L) gabing iyon, lilibutin ni Yahweh ang buong Egipto at papatayin ang mga Egipcio. Lahat ng bahay na makita niyang may pahid na dugo sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ay hindi niya hahayaang pasukin ng Anghel ng Kamatayan. 24 Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. 25 Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh. 26 Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, 27 sabihin ninyong ito'y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio.”

Nang masabi ito ni Moises, yumuko ang buong bayan at sumamba sa Diyos. 28 Pagkatapos, umuwi na sila at isinagawa ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan nina Moises at Aaron.

Ang Huling Salot: Namatay ang Lahat ng Panganay

29 Nang(M) hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki. 31 Nang gabi ring iyo'y ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo. 32 Dalhin na ninyo pati inyong mga tupa, kambing at baka. Umalis na kayo at ipanalangin din ninyo ako.”

Footnotes

  1. Exodo 10:19 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .