Add parallel Print Page Options

Ang Langis na Pambuhos

22 Bukod(A) dito'y sinabi ng Panginoon kay Moises,

23 “Magdala ka rin ng pinakamaiinam na pabango: ng purong mira na limang daang siklo, at ng mabangong kanela na kalahati nito ang dami, dalawang daan at limampu; at ng mabangong kalamo na dalawang daan at limampu,

24 at ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuwaryo, at ng langis ng olibo na isang hin;

25 at gagawa ka mula sa mga ito ng banal na langis na pambuhos, isang pabangong tinimpla ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango; siya ngang magiging banal na langis na pambuhos.

26 Iyong bubuhusan niyon ang toldang tipanan, at ang kaban ng patotoo,

27 at ang hapag, ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang ilawan at ang mga kasangkapan niyon, at ang dambana ng insenso,

28 ang dambana ng handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga kasangkapan, ang palanggana at ang patungan nito.

29 Pakabanalin mo ang mga iyon upang maging kabanal-banalan; sinumang humawak sa mga iyon ay magiging banal.

30 Iyong bubuhusan ng langis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatalaga sila, upang sila'y maglingkod sa akin bilang mga pari.

31 Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ito ang aking magiging banal na langis na pambuhos sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

32 Hindi ito ibubuhos sa laman ng mga karaniwang tao, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakagawa, ito ay banal at ito'y magiging banal sa inyo.

33 Sinumang gumawa ng gaya niyan, o sinumang gumamit niyan sa isang dayuhan ay ititiwalag sa kanyang bayan.’”

34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magdala ka ng mababangong pabango ng estacte, onix, at galbano; mababangong pabango na may purong kamanyang (na bawat isa'y magkakapareho ng bahagi),

35 at gumawa ka ng insenso, na pabangong ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango, hinaluan ng asin, dalisay at banal.

36 Iyong didikdikin ang iba niyan nang pinung-pino at ilalagay mo sa harapan ng kaban ng tipan,[a] sa loob ng toldang tipanan na doon kita kakatagpuin; ito ay magiging kabanal-banalan para sa inyo.

37 Ang insensong inyong gagawin, ayon sa mga sangkap niyon ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili; iyon ay aariin mong banal sa Panginoon.

38 Sinumang gagawa nang gaya niyan, upang gamiting pabango ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Exodo 30:36 o patotoo .