Add parallel Print Page Options

Ang Nagniningas na Puno

Noon ay inaalagaan ni Moises ang kawan ni Jetro na kanyang biyenan na pari sa Midian; kanyang pinatnubayan ang kawan sa kabila ng ilang at nakarating sa bundok ng Diyos, sa Horeb.

Ang(A) anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punungkahoy. Siya'y nagmasid at ang punungkahoy ay nagliliyab ngunit ito'y hindi nasusunog.

Sinabi ni Moises, “Ako'y pupunta sa kabila at titingnan ko itong dakilang panooring ito, kung bakit ang punungkahoy ay hindi nasusunog.”

Nang makita ng Panginoon na siya'y pumunta sa kabila upang tumingin ay tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punungkahoy, “Moises, Moises.” Sumagot siya, “Narito ako.”

Kanyang sinabi, “Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.”

Sinabi pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Si Moises ay nagtakip ng kanyang mukha sapagkat siya'y natakot na tumingin sa Diyos.

Sinugo ng Diyos si Moises

Sinabi ng Panginoon, “Aking nakita ang paghihirap ng aking bayan na nasa Ehipto at aking narinig ang kanilang daing dahil sa mga umaapi sa kanila. Talagang nalalaman ko ang kanilang pagdurusa.

Ako'y bumaba upang iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila'y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lugar ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo.

At ngayon, ang daing ng mga anak ni Israel ay nakarating sa akin, at nakita ko rin ang pang-aapi na ginawa sa kanila ng mga Ehipcio.

10 Halika, ikaw ay aking susuguin kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang aking bayan, ang mga anak ni Israel.”

11 Sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ako upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?”

12 Kanyang sinabi, “Ako'y makakasama mo; at ito'y magiging tanda sa iyo na ikaw ay aking sinugo: kapag iyong nailabas na sa Ehipto ang bayan, sasambahin ninyo ang Diyos sa bundok na ito.”

13 Ngunit(B) sinabi ni Moises sa Diyos, “Pagdating ko sa mga anak ni Israel at sasabihin ko sa kanila, ‘Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sasabihin nila sa akin, ‘Ano ang kanyang pangalan?’ Anong sasabihin ko sa kanila?”

14 Sinabi(C) ng Diyos kay Moises, “AKO AY ANG AKO NGA.” At kanyang sinabi, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.’”

15 Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ng Panginoon,[a] ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan magpakailanman at ito ang itatawag sa akin ng lahat ng mga lahi.

16 Humayo ka at tipunin mo ang matatanda sa Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, na nagsasabi, “Tunay na kayo'y aking dinalaw at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Ehipto.

17 At aking sinabi, aking aalisin kayo sa kapighatian sa Ehipto at dadalhin ko kayo sa lupain ng Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.”’

18 Kanilang papakinggan ang iyong tinig. Ikaw at ang matatanda sa Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at inyong sasabihin sa kanya, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay ng tatlong araw sa ilang. Nais naming makapaghandog sa Panginoon naming Diyos.’

19 Alam ko na hindi kayo papahintulutan ng hari ng Ehipto na umalis maliban sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay.

20 Kaya't aking iuunat ang aking kamay at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat kong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyon at pagkatapos, papahintulutan niya kayong umalis.

21 Pagkakalooban(D) ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio at sa pag-alis ninyo ay hindi kayo aalis na walang dala.

22 Bawat babae ay hihingi sa kanyang kapwa at ang dayuhan sa kanyang bahay ng mga hiyas na pilak, mga hiyas na ginto at mga damit, at inyong ipapasuot sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa ganito ay inyong sasamsaman ang mga Ehipcio.”

Ang mga Tanda at Pangako

Si Moises ay sumagot at nagsabi, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay hindi nagpakita sa iyo.’”

Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang nasa iyong kamay?” Kanyang sinabi, “Isang tungkod.”

Kanyang sinabi, “Ihagis mo sa lupa.” Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot.” Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay.

“Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo.”

Sinabi pa sa kanya ng Panginoon, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.

Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.

“Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.

Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”

10 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?

12 Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”

13 Ngunit kanyang sinabi, “O Panginoon, iba na ang iyong suguin.”

14 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, “Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso.

15 Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin.

16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya.

17 Dadalhin mo sa iyong kamay ang tungkod na ito na gagamitin mo sa paggawa ng mga tanda.”

Footnotes

  1. Exodo 3:15 Ang salitang PANGINOON kapag lahat ay malalaking titik ay kumakatawan sa pangalan ng Diyos, YHWH, na sa talatang ito ay nakaugnay sa pandiwang hayah, o ako nga .