Add parallel Print Page Options

Ang Awit ni Moises at ni Miriam

15 Nang(A) magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito sa Panginoon, na sinasabi,

“Ako'y aawit sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
    kanyang inihagis sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.
Ang(B) Panginoon ang aking awit at kalakasan,
    at siya'y naging aking kaligtasan;
Ito ang aking Diyos, at aking pupurihin siya,
    siya'y aking itataas, ang Diyos ng aking ama.
Ang Panginoon ay isang mandirigma.
     Panginoon ang pangalan niya.

“Ang mga karwahe ng Faraon at ang kanyang hukbo sa dagat ay itinapon niya,
    at ang kanyang mga piling pinuno ay inilubog sa Dagat na Pula.
Ang kalaliman ay tumatabon sa kanila;
    sila'y lumubog sa mga kalaliman na parang isang bato.
Ang iyong kanang kamay, O Panginoon ay maluwalhati sa kapangyarihan,
    ang iyong kanang kamay, O Panginoon ang dumudurog sa kaaway.
Sa kadakilaan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo ang bumabangon laban sa iyo;
    Iyong ipinapakita ang iyong matinding galit, at nililipol silang parang dayami.
Sa hihip ng iyong ilong ang tubig ay natipon,
    ang mga agos ay tumayong parang isang bunton;
    Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
Sinabi ng kaaway, ‘Aking hahabulin, aking aabutan,
Hahatiin ko ang samsam, ang aking nais sa kanila ay masisiyahan,
aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.’
10 Ikaw ay humihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng karagatan,
    Sila'y lumubog na parang tingga sa tubig na makapangyarihan.

11 “Sinong tulad mo, O Panginoon, sa mga diyos?
    Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan,
    nakakasindak sa maluluwalhating gawa, na gumagawa ng mga kababalaghan?
12 Iniunat mo ang iyong kanang kamay,
    nilamon sila ng lupa.
13 “Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan,
    sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan.
14 Narinig ng mga bansa, at nanginig sila,
    mga sakit ang kumapit sa mga naninirahang taga-Filistia.
15 Kaya't ang mga pinuno ng Edom ay nagimbal;
    sa matatapang sa Moab, ang panginginig sa kanila ay sumakmal,
    at naupos ang lahat ng taga-Canaan.
16 Sindak at panghihilakbot ang sa kanila'y umabot,
    dahil sa kadakilaan ng iyong bisig, sila'y parang batong di makakilos;
hanggang sa makaraan, O Panginoon, ang iyong bayan,
    hanggang ang bayan na iyong binili ay makaraan.
17 Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatanim sa bundok na iyong ari-arian,
    sa dako, O Panginoon, na iyong ginawa upang iyong maging tahanan,
    sa santuwaryo, O Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailanpaman.”

19 Sapagkat nang ang mga kabayo ng Faraon ay nagtungo pati ang kanyang mga karwahe at pati ng kanyang mga nangangabayo sa dagat, at pinanunumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; subalit lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

20 Si Miriam na babaing propeta, na kapatid ni Aaron ay humawak ng isang pandereta sa kanyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kanya, na may mga pandereta at nagsayawan.

21 Sila'y inawitan ni Miriam:

“Umawit kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
nang inihagis niya sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.”

Read full chapter