Add parallel Print Page Options

21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matatanda sa Israel, at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabas at kumuha ng mga kordero ayon sa inyu-inyong sambahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskuwa.

22 Kayo'y kumuha ng isang bigkis na isopo, inyong ilubog sa dugo na nasa palanggana, at inyong pahiran ng dugo ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto ng dugong nasa palanggana; sinuman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kanyang bahay hanggang sa kinaumagahan.

23 Sapagkat(A) ang Panginoon ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng Panginoon ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo.

24 Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman.

25 Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.

26 Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, ‘Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?’

27 Inyong sasabihin, ‘Ito ang paghahandog ng paskuwa ng Panginoon, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.’” At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.

28 Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila.

Nilipol ang Lahat ng mga Panganay sa Ehipto

29 Pagsapit(B) ng hatinggabi, pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop.

30 Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipcio; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay.

Read full chapter