Add parallel Print Page Options

Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo'y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,

Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig;

Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan.

May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo;

Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,

Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.

Datapuwa't ang bawa't isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat na kaloob ni Cristo.

Kaya't sinasabi niya, Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.

(Ngayon ito, Umakyat Siya, ano ito, kundi siya'y bumaba rin naman sa mga dakong kalaliman ng lupa?

10 Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng buong sangkalangitan, upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)

11 At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro;

12 Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

13 Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo:

14 Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian;

15 Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo;

16 Na dahil sa kaniya'y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa't kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa't iba't ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.

17 Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip,

18 Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso;

19 Na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman.

20 Nguni't kayo'y hindi nangatuto ng ganito kay Cristo;

21 Kung tunay na siya'y inyong pinakinggan, at kayo'y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus.

22 At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya;

23 At kayo'y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip,

24 At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.

25 Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka't tayo'y mga sangkap na isa't isa sa atin.

26 Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit:

27 Ni bigyan daan man ang diablo.

28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibigay sa nangangailangan.

29 Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.

30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Dios, na sa kaniya kayo'y tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos.

31 Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:

32 At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.

Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo

Kaya't ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay nakikiusap sa inyo na kayo'y mamuhay nang naaayon sa pagkatawag din sa inyo. Taglayin ninyo ang (A) lubos na pagpapakumbaba at kaamuan, may pagtitiyaga, at pagpaparaya sa isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig. Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan. May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang dakila kaysa lahat, at siyang kumikilos sa lahat, at nasa lahat. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng kaloob ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. Kaya't (B) nasusulat,

“Nang umakyat siya sa itaas ay dala niya ang maraming bihag,
    at namahagi siya ng mga kaloob sa mga tao.”

Sa pagsasabing, “Umakyat siya,” di ba't ipinahihiwatig nito na siya'y bumaba rin sa mas mababang dako ng lupa? 10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kataas-taasang dako ng kalangitan upang mapuspos niya ang lahat ng bagay. 11 At siya ang nagbigay sa iba ng kaloob na maging apostol, sa iba'y maging propeta, sa iba'y ebanghelista, at sa iba'y pastor at guro. 12 Ito'y upang ihanda ang mga banal para sa gawain ng paglilingkod, tungo sa ikatatatag ng katawan ni Cristo, 13 hanggang marating natin lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang lubos na pagkakilala sa Anak ng Diyos, tungo sa pagiging ganap na tao, hanggang taglayin ang lubos na kabuuan ni Cristo. 14 Sa gayon ay hindi tayo mananatiling mga bata, na tinatangay ng mga alon at dinadala ng kung anu-anong hangin ng aral, sa pamamagitan ng daya at katusuhan ng mga tao sa kanilang mapanlinlang na paraan. 15 Sa halip, sa pagsasabi ng katotohanan na may pag-ibig, dapat tayong lumago sa lahat ng bagay sa kanya, na siyang ulo, walang iba kundi si Cristo. 16 Sa (C) kanya, ang lahat ng mga bahagi ng katawan ay nagkakalapat at pinagbubuklod sa pamamagitan ng pagtulong ng bawat litid. Ang pagganap ng gawain ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan at nagpapalakas ng sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa harap ng Panginoon, na hindi na kayo dapat mamuhay tulad ng mga pagano. Walang kabuluhan ang laman ng kanilang pag-iisip. 18 Nasa dilim ang kanilang pang-unawa at malayo sa buhay na bigay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng kanilang mga puso. 19 Sila'y nawalan ng kahihiyan at nalulong sa kahalayan, at nawalan ng kabusugan sa paggawa ng sari-saring karumihan. 20 Ngunit hindi ninyo nakilala si Cristo sa ganoong paraan! 21 Kung talagang siya'y inyong narinig at kayo'y naturuan tungkol sa kanya, kung paanong nakay Jesus ang katotohanan, 22 nang (D) hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, ang dating uri ng pamumuhay na pinasasama ng mapanlinlang na pagnanasa. 23 Baguhin na ninyo ang diwa ng inyong pag-iisip, 24 at (E) ibihis ninyo ang bagong pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos, sa tunay na katuwiran at kabanalan.

25 Kaya't (F) tigilan na ang pagsisinungaling! Bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa. 26 Kapag nagagalit kayo (G) huwag kayong magkakasala. Huwag ninyong hayaang lubugan ng araw ang inyong galit, 27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang nagnanakaw ay tumigil na sa pagnanakaw, sa halip ay magtrabaho siya at gumawa ng mabuti sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay, upang mayroon siyang maibigay sa nangangailangan. 29 Hindi dapat mamutawi sa inyong bibig ang anumang masamang pananalita, kundi ang mabuting bagay lamang na makapagpapatibay, upang ito ay makatulong sa mga nakikinig. 30 At huwag ninyong palungkutin ang Banal na Espiritu ng Diyos, na sa pamamagitan niya'y tinatakan kayo para sa araw ng pagtubos. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng kapaitan, poot, pagkamuhi, pag-aaway, panlalait, pati ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging (H) mabait at mahabagin kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo sa isa't isa, kung paanong kay Cristo ay pinatawad kayo ng Diyos.