Add parallel Print Page Options

Mga Pasubali sa Pagsasauli at Pagpapala

30 “Kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo, ang pagpapala at ang sumpa na inilagay ko sa harapan mo, at iyong bulay-bulayin ang mga iyon sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa iyo ng Panginoon mong Diyos

at magbalik ka sa Panginoon mong Diyos at sundin mo at ng iyong mga anak nang buong puso at kaluluwa ang kanyang tinig ayon sa lahat na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito,

babawiin[a] ng Panginoon mong Diyos ang iyong pagkabihag at mahahabag sa iyo. Ibabalik at titipunin ka sa lahat ng mga bayang pinagkalatan sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Kung ang pagkakabihag sa iyo ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng langit, mula roo'y titipunin at kukunin ka ng Panginoon mong Diyos.

Dadalhin ka ng Panginoon mong Diyos sa lupaing inangkin ng iyong mga ninuno, at iyong aangkinin, at gagawan ka niya ng mabuti at pararamihin ka niya nang higit kaysa iyong mga ninuno.

Tutuliin ng Panginoon mong Diyos ang iyong puso at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at kaluluwa mo, upang ikaw ay mabuhay.

Lahat ng mga sumpang ito ng Panginoon mong Diyos ay darating sa mga kaaway at sa kanila na napopoot at umusig sa iyo.

Kung magkagayon ikaw ay babalik at susunod sa tinig ng Panginoon at iyong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

Pasasaganain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay, sa bunga ng iyong katawan, sa anak ng iyong bakahan, at sa bunga ng iyong lupa. Sapagkat muling magagalak ang Panginoon sa pagpapasagana sa iyo, gaya ng kanyang ikinagalak sa iyong mga ninuno,

10 kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Diyos at tutuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntuning nasusulat sa aklat na ito ng kautusan; kung ikaw ay manunumbalik sa Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, at kaluluwa.

11 “Sapagkat ang utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay hindi napakabigat para sa iyo, ni malayo.

12 Wala(A) ito sa langit, upang huwag mong sabihin, ‘Sinong aakyat sa langit para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’

13 Ni wala sa kabila ng dagat upang huwag mong sabihin, ‘Sino ang daraan sa dagat para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’

14 Kundi ang salita ay napakalapit sa iyo, ito ay nasa iyong bibig, at nasa iyong puso, kaya't ito ay iyong magagawa.

15 “Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan;

16 at iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan. Tuparin mo ang kanyang mga utos, ang kanyang mga tuntunin, at mga batas upang ikaw ay mabuhay at dumami, at pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinapasok upang angkinin.

17 Ngunit kung ang iyong puso ay tumalikod at hindi mo diringgin, kundi maliligaw at sasamba ka sa ibang mga diyos, at maglilingkod ka sa kanila;

18 ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito na kayo'y tiyak na mapupuksa. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa ibabaw ng lupaing tatawirin ninyo sa kabila ng Jordan, upang pasukin at angkinin.

19 Tinatawagan ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking inilagay sa harapan mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at sumpa. Kaya't piliin mo at ng iyong binhi ang buhay upang ikaw ay mabuhay.

20 Ibigin(B) mo ang Panginoon mong Diyos, sundin ang kanyang tinig, at manatili ka sa kanya; sapagkat ang kahulugan niyon sa iyo ay buhay, at haba ng iyong mga araw, upang matirahan mo ang lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.”

Footnotes

  1. Deuteronomio 30:3 o ibabalik .