Add parallel Print Page Options

20 Pinaparusahan ninyo kami ayon sa ibinabala ninyo sa pamamagitan ng inyong mga propeta nang sabihin nila, 21 ‘Sinasabi(A) ng Panginoon: Sumuko kayo at maglingkod sa hari ng Babilonia at pananatilihin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. 22 Kapag hindi kayo sumunod sa salita ko at hindi naglingkod sa hari ng Babilonia, 23 papatigilin ko ang lahat ng pagdiriwang at kasayahan sa mga lunsod ng Juda at sa Jerusalem. Pati ang pagdiriwang ng mga kasalan ay di na maririnig sa buong lupain. Ito ay masasalanta at hindi na titirhan ninuman.’

24 “Ngunit(B) hindi namin sinunod ang inyong utos. Hindi kami naglingkod sa hari ng Babilonia. Kaya naman, tinotoo ninyo ang inyong ipinasabi sa mga propeta na inyong lingkod, na huhukayin at ikakalat ang kalansay ng aming mga hari at mga ninuno. 25 Gayon nga ang nangyari. Ang kalansay nila'y nakalantad sa init ng araw at lamig ng gabi. Namatay sila dahil sa matinding gutom, digmaan, at salot. 26 Dahil sa kasalanan ng Israel at Juda ay hinayaan ninyong mawasak ang inyong banal na templo, at nanatiling wasak hanggang sa panahong ito.

27 “Gayunman, Panginoon naming Diyos, pinagpasensyahan ninyo kami't kinahabagan 28 tulad(C) ng ipinangako ninyo kay Moises na inyong lingkod noong ipasulat ninyo sa kanya sa harap ng bayang Israel ang inyong mga utos. Sinabi ninyo noon, 29 ‘Kapag hindi kayo sumunod sa aking mga utos, mauubos kayo at itatapon sa lahat ng dako. 30 Alam kong hindi ninyo ako susundin sapagkat matigas ang inyong ulo. Ngunit sa lupaing katatapunan ninyo ay makapag-iisip-isip kayo 31 at makikilala ninyo na ako nga ang Panginoon ninyong Diyos. Bibigyan ko kayo ng isipang makakaunawa at pusong masunurin. 32 Pupurihin ninyo ako sa lupaing pinagtapunan sa inyo at aalalahanin ang aking pangalan.

Read full chapter