Add parallel Print Page Options

Panimula

Mula kina Pablo, Silas at Timoteo,

Para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica, mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo ang kagandahang-loob at kapayapaan mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesus-Cristo.

Ang Paghuhukom sa Muling Pagbabalik ni Cristo

Mga kapatid, dapat na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya at lalong nagiging maalab ang inyong pag-ibig sa isa't isa. Kaya naman ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa gitna ng mga pag-uusig at mga pagtitiis na dinaranas ninyo.

Nagpapatunay ito ng makatwirang hatol ng Diyos, at ginagawa niya kayong karapat-dapat na makibahagi sa kanyang paghahari, na siya namang dahilan ng inyong pagdurusa. Tunay na makatarungan ang Diyos at parurusahan niya ang mga taong nagpapahirap sa inyo. Siya rin ang magbibigay ng ginhawa sa inyo at sa amin na mga dumaranas ng pagtitiis. Magaganap ito kapag nahayag na ang Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel. Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at magpaparusa sa lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. Ang parusang igagawad sa kanila'y walang-hanggang kapahamakan, at ihihiwalay sila sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng kanyang pagdating upang tanggapin ang mga papuri mula sa kanyang mga banal at tanggapin ang mga parangal ng lahat ng mga nananalig sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat pinaniwalaan ninyo ang aming patotoo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong ipinapanalangin sa Diyos, na tulungan niya kayo upang kayo'y maging karapat-dapat sa kanyang pagkatawag sa inyo. Dumadalangin din kaming igawad niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan upang magawa ninyo ang lahat ng mabuting hangarin ninyo at mga gawang bunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mabibigyan ninyo ng parangal ang ating Panginoong Jesus, at kayo nama'y pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.