Add parallel Print Page Options

Ang Taong Makasalanan

Ngayon,(A) hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa ating pagkakatipon sa kanya;

na huwag kayong madaling matinag sa inyong pag-iisip, at huwag din namang mabagabag sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat, na waring mula sa amin, na para bang dumating na ang araw ng Panginoon.

Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan, sapagkat ito'y hindi darating malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan.

Siya(B) ay sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba; anupa't siya'y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos.

Hindi ba ninyo naaalala na noong ako'y kasama pa ninyo ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?

At ngayo'y nakikilala ninyo kung ano ang nakakapigil upang siya'y mahayag sa kanyang takdang panahon.

Sapagkat ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na; tanging siya na sa ngayon ay pumipigil niyon ang gagawa ng gayon hanggang sa siya ay maalis.

At(C) kung magkagayo'y mahahayag ang taong makasalanan na siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig, at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kanyang pagdating.

Ang(D) pagdating ng taong makasalanan ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan,

10 at may lahat ng mapandayang kasamaan para sa mga napapahamak, sapagkat tumanggi silang ibigin ang katotohanan upang sila'y maligtas.

11 At dahil dito'y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan,

12 upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan.

Hinirang para sa Kaligtasan

13 Ngunit kami ay dapat laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sapagkat hinirang kayo ng Diyos bilang unang bunga sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan.

14 Dito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming ebanghelyo, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y manindigang matibay at inyong panghawakan ang mga tradisyon na sa inyo'y itinuro namin, maging sa pamamagitan ng salita, o ng sulat mula sa amin.

16 Ngayon, ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Diyos na ating Ama na umibig sa atin at nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya,

17 ang umaliw sa inyong mga puso, at patibayin kayo sa bawat mabuting gawa at salita.

Ang Paglitaw ng Suwail

Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makasama siya, nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na huwag agad magugulo ang inyong isip o mababahala dahil sa ilang ulat, pahayag o liham na mula raw sa amin na nagsasabing dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw na iyon hanggang hindi pa nangyayari ang paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng suwail, na nakatakda naman sa kapahamakan. Lalabanan niya ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao, at itataas niya ang sarili sa lahat ng ito. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.

Hindi ba ninyo natatandaan na binanggit ko na ito sa inyo noong ako'y kasama pa ninyo? Alam ninyo kung ano ang pumipigil kaya hindi pa lumilitaw ang suwail sa takdang panahon. Palihim nang kumikilos ang kapangyarihan ng kasamaan, at magpapatuloy ang ganyan hangga't hindi naaalis ang humahadlang sa kanya. At kung maalis na ang hadlang, lilitaw na ang suwail. Ngunit lubusan siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig sa panahon ng kanyang maluwalhating pagdating. Ngunit sa kanyang paglitaw, ang suwail ay magtataglay ng kapangyarihan ni Satanas. Makikita ang lahat ng uri ng huwad na himala, mga tanda, at mga kababalaghan. 10 Lilinlangin niya sa pamamagitan ng maraming uri ng pandaraya ang mga mapapahamak, mga taong ayaw umibig sa katotohanan na sana sa kanila'y makapagliligtas. 11 Dahil dito, hahayaan na ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Parurusahan ang lahat ng ayaw tumanggap sa katotohanan, at sa halip ay nagpakasaya sa kasamaan.

Mga Pinili Upang Maligtas

13 Ngunit dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon. Sapagkat kabilang na kayo sa mga hinirang bilang unang bunga.[a] Ito'y sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at ng pananalig ninyo sa katotohanan. 14 Ginamit niya ang pangangaral namin ng ebanghelyo upang kayo'y makibahagi sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matibay kayo sa paninindigan at pamumuhay sa mga aral na ibinahagi namin sa inyo, ito man ay sa salita namin o sa sulat.

16 Nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo at ang Diyos nating Ama na sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob ay siyang umibig sa atin at nagbigay sa atin ng walang-hanggang lakas ng loob at mabuting pag-asa, 17 ang umaliw sa inyo at magbigay ng matatag na kalooban upang maipahayag ninyo sa salita at gawa ang lahat ng mabuti.

Footnotes

  1. 2 Tesalonica 2:13 unang bunga: o kaya'y, noong una pa man.