Add parallel Print Page Options

Kinuha ni David ang Kaban ng Tipan(A)

Pagkatapos nito, muling tinipon ni David ang mga piling kawal ng Israel; may tatlumpung libong kalalakihan lahat. Pinangunahan(B) niya ang buong hukbo at nagpunta sila sa Baale-Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan na kumakatawan sa kaluwalhatian ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nakaluklok sa ibabaw ng mga kerubin. Kinuha(C) nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. Si Ahio ay nauuna ng paglakad sa kaban. Si David at ang buong bayan ng Israel ay buong galak na sumasayaw. Sila'y umaawit sa saliw ng mga lira, kudyapi, tamburin, kastaneta, at pompiyang.

Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[a] Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” 10 Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 11 Tatlong(D) buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan.

12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. 13 Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. 14 Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. 15 Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.

16 Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. 17 Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Samuel 6:8 PEREZ-UZA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “ang pagpaparusa kay Uza”.

Kaya't(A) tinipon ni David ang mga Israelita mula sa Sihor sa Egipto hanggang sa pasukan ng Hamat upang kunin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan at dalhin sa Jerusalem. Pumunta(B) silang lahat sa Baala papuntang Lunsod ng Jearim sa Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan ng Diyos na si Yahweh, na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Pagdating nila sa bahay ni Abinadab, isinakay nila ang Kaban ng Tipan sa isang bagong kariton na inaalalayan nina Uza at Ahio. Si David at ang buong Israel ay sumasayaw at umaawit sa saliw ng tugtugan ng mga lira, alpa, tamburin, pompiyang at trumpeta.

Ngunit pagsapit nila sa giikan sa Quidon, natisod ang mga bakang humihila sa kariton kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan upang hindi mahulog. 10 Dahil dito, nagalit sa kanya si Yahweh kaya't namatay siya noon din. 11 Nagalit si David dahil pinarusahan ng Diyos si Uza, kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza[a] mula noon.

12 Subalit(C) natakot rin si David sa Diyos kaya't nasabi niya, “Paano ko ngayon iuuwi ang Kaban ng Tipan?” 13 Sa halip na iuwi ito sa Jerusalem, dinala niya ang Kaban sa bahay ni Obed-edom na taga-lunsod ng Gat. 14 Tatlong(D) buwan doon ang Kaban. At pinagpala ni Yahweh ang sambahayan ni Obed-edom, pati na ang lahat ng kanyang ari-arian.

Read full chapter

Footnotes

  1. 1 Cronica 13:11 PEREZ-UZA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “parusa kay Uza”.

Dinala sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan(A)

25 Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. 26 Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki. 27 Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino. 28 Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa.

29 Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis.

Ang Kaban sa Loob ng Tolda

16 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.