Add parallel Print Page Options

Mga Pakikidigma Laban sa mga Filisteo

15 Ang mga Filisteo ay muling nakipagdigma sa Israel; at si David ay lumusong kasama ang kanyang mga lingkod at sila'y lumaban sa mga Filisteo; at si David ay napagod.

16 At si Isbibenob, na isa sa mga anak ng higante na ang bigat ng kanyang sibat ay tatlongdaang siklong tanso, na may bigkis ng bagong tabak ay nagpanukalang patayin si David.

17 Ngunit(A) sinaklolohan siya ni Abisai na anak ni Zeruia, at sinalakay ang Filisteo at pinatay siya. Nang magkagayo'y sumumpa sa kanya ang mga tauhan ni David, “Hindi ka na lalabas pang kasama namin sa labanan, baka mo patayin ang tanglaw ng Israel.”

18 Pagkatapos nito, muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; nang magkagayo'y pinatay ni Shibecai na Husatita si Saf, na isa sa mga anak ng higante.

19 Muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jaareoregim, na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo, na ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi.

20 At muling nagkaroon ng labanan sa Gat, na roo'y may isang lalaking napakatangkad, na sa bawat kamay ay may anim na daliri, at sa bawat paa'y may anim na daliri, na dalawampu't apat ang bilang. Siya man ay mula sa mga higante.

21 Nang kanyang tuyain ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimei, na kapatid ni David.

22 Ang apat na ito ay buhat sa lahi ng higante sa Gat; at sila'y nabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at ng kamay ng kanyang mga lingkod.

Read full chapter