Add parallel Print Page Options

Nalaman ni David ang tungkol sa Kamatayan ni Saul

Pagkamatay ni Saul, nang bumalik na si David mula sa pagpatay sa mga Amalekita, nanatili si David ng dalawang araw sa Siclag.

At nangyari, nang ikatlong araw na, may isang lalaking lumabas sa kampo mula kay Saul na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Kaya nga nang dumating siya kay David, siya ay nagpatirapa sa lupa at nagbigay-galang.

Sinabi ni David sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At kanyang sinabi sa kanya, “Nakatakas ako mula sa kampo ng Israel.”

Sinabi ni David sa kanya, “Ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” At siya'y sumagot, “Ang taong-bayan ay tumakas sa labanan, at marami sa mga tao ay nabuwal at namatay, si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na rin.”

At sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Paano mo nalaman na si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na?”

Sinabi(A) ng binatang nagbalita sa kanya, “Nagkataong ako ay nasa bundok ng Gilboa at naroroon si Saul na nakasubsob sa kanyang sibat samantalang papalapit sa kanya ang mga karwahe at mga mangangabayo.

Nang siya'y lumingon, nakita niya ako. Tinawag niya ako, at ako'y sumagot, ‘Narito ako.’

Sinabi niya sa akin, ‘Sino ka?’ Ako'y sumagot sa kanya, ‘Ako'y isang Amalekita.’

At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka sa tabi ko, ipinapakiusap ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil hirap na hirap na ako, ngunit ako'y buháy pa.’[a]

10 Kaya't tumayo ako sa tabi niya at pinatay ko siya, sapagkat nakakatiyak ako na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal. At kinuha ko ang korona na nasa kanyang ulo at ang pulseras na nasa kanyang kamay, at dinala ko rito sa aking panginoon.”

11 Nang magkagayo'y hinawakan ni David ang kanyang kasuotan at pinunit iyon; gayundin ang ginawa ng lahat ng mga lalaking kasama niya.

12 Sila'y nagluksa, umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw dahil kay Saul at kay Jonathan na kanyang anak, dahil sa bayan ng Panginoon, at sa sambahayan ng Israel, sapagkat sila'y namatay sa pamamagitan ng tabak.

13 Sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” At siya'y sumagot, “Ako'y anak ng isang dayuhan, isang Amalekita.”

14 Sinabi ni David sa kanya, “Bakit hindi ka natakot na magbuhat ng iyong kamay upang patayin ang hinirang[b] ng Panginoon?”

15 At tinawag ni David ang isa sa mga kabataan at sinabi, “Pumarito ka at patayin mo siya.” At kanyang tinaga siya na kanyang ikinamatay.

16 Sinabi ni David sa kanya, “Ang iyong dugo ay mapasaiyong ulo sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, ‘Aking pinatay ang hinirang ng Panginoon.’”

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Samuel 1:9 Sa Hebreo ay ang aking buhay ay nananatili pa .
  2. 2 Samuel 1:14 o binuhusan ng langis .