Add parallel Print Page Options

Ang Araw ng Panginoon

Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay ginigising ko ang inyong malinis na pag-iisip sa pagpapaala-ala sa inyo.

Ito ay upang lagi ninyong alalahanin ang mga salitang sinabi ng mga banal na propeta noong una pa at ang mga utos ng Panginoon at Taga­pagligtas sa pamamagitan namin na mga apostol.

Dapat ninyong malaman muna na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na lumalakad ayon sa sarili nilang masamang pagnanasa. Kanilang sasabihin: Nasaan ang katu­paran ng pangako ng kaniyang pagparito? Ito ay sapagkat natulog na ang ating mga ninuno ngunit ang lahat ay nananatili pa ring gayon simula pa ng paglalalang. Ito ay sapagkat sadya nilang nilimot na sa pamamagitan ng Diyos ay nagkaroon ng kalangitan noon pang una at ang lupa ay lumitaw mula sa tubig at sa ilalim ng tubig. Sa pamamagitan din nito, ang sanlibutan na nagunaw ng tubig nang panahong iyon ay nalipol. Sa pamamagitan ng salita ng Diyos ang kalangitan ngayon at ang lupa ay iningatang nakatalaga para sa apoy at para sa araw ng paghuhukom at pagkalipol ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos.

Ngunit mga minamahal, huwag ninyong kalimutan ito: Sa Panginoon ang isang araw ay tulad sa isang libong taon at ang isang libong taon ay tulad ng isang araw. Ang katuparan ng pangako ay hindi inaantala ng Panginoon tulad ng inaakala ng iba. Siya ay mapagtiis sa atin. Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi.

10 Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng magna­nakaw sa gabi. Sa araw na iyon ang kalangitan ay mapaparam na may malakas na ugong. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay masusunog at mawawasak. Ang lupa at ang mga bagay na ginawa na naroroon ay mapupugnaw.

11 Yamang ang lahat ng bagay na ito ay mawawasak, ano ngang pagkatao ang nararapat sa inyo? Dapat kayong mamuhay sa kabanalan at pagkamaka-Diyos. 12 Hintayin ninyo at mada­liin ang pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon ang langit ay masusunog at mawawasak. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit ayon sa pangako ng Diyos tayo ay naghihintay ng bagong langit at bagong lupa. Ang katuwiran ay nananahan doon.

14 Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay natin ang mga bagay na ito, sikapin ninyong masumpungan niya tayong walang dungis at walang kapintasan at mapayapa sa kaniyang pagdating. 15 Inyong ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal na kapatid nating si Pablo ayon sa karunungang kaloob sa kaniya. 16 Gayundin naman sa lahat ng kaniyang sulat, sinasalita niya ang mga bagay na ito. Ilan sa mga ito ay mahirap unawain at binigyan ng maling kahulugan ng mga hindi naturuan at hindi matatag. Ganito rin ang kanilang ginagawa sa ibang kasulatan sa ikapapahamak ng kanilang sarili.

17 Kaya nga, kayo mga minamahal, dahil alam na ninyo ang mga bagay na ito noon pa, mag-ingat kayo baka kayo mahulog sa inyong matatag na kalalagayan at mailigaw ng kamalian ng mga walang pagkilala sa kautusan ng Diyos. 18 Lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa kaniya ang kapurihan ngayon at magpaka­ilanman. Siya nawa!

Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Isinulat ko ang dalawang sulat na ito upang ang mga ito'y magsilbing paalalang gigising sa inyong malilinis na isip. Nais kong alalahanin ninyo ang mga ipinahayag noon ng mga banal na propeta, at ang utos na ibinigay ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una (A) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay darating ang manlilibak at lilibakin kayo. Ang mga taong ito'y namumuhay ayon sa kanilang sariling pagnanasa. Sasabihin nila, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundong ito.” Sinadya (B) nilang huwag pansinin ang katotohanang matagal nang ang langit ay narito at sa pamamagitan ng salita ng Diyos, at inanyuan niya ang lupa mula sa tubig at sa gitna ng tubig. Sa (C) pamamagitan din ng tubig ginunaw noon ng Diyos ang daigdig. Ngunit sa pamamagitan din ng gayunding salita, ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy na inilalaan sa araw ng paghuhukom at pagpaparusa sa masasamang tao.

Subalit (D) huwag ninyong kaliligtaan ang isang bagay na ito, mga minamahal, na para sa Panginoon ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi nagpapabaya ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng iba. Pinagtitiisan lamang kayo ng Panginoon kaya hindi muna niya ginagawa ang ayon sa kanyang pangako. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat na magsisi sapagkat ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ngunit (E) darating ang araw ng Panginoon tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Maglalaho ang kalangitan kasabay ng isang malakas na tunog. Tutupukin ng apoy ang sangkap sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.[a] 11 At dahil ganito mawawasak ang lahat ng bagay, anong uri ng pagkatao ang dapat ninyong ipamuhay? Hindi ba dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos at pinadadali ang pagdating nito? Sa araw na iyon, matutupok ang kalangitan at ang mga bagay na naroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit, (F) naghihintay tayo sa pagdating ng pangako ng Diyos, ang bagong langit at ang bagong lupa na kung saan tinatahanan ng katuwiran.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at kapintasan sa paningin ng Diyos. 15 Isipin ninyong ang pagtitiis ng Panginoon ay para sa inyong kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 16 Ganito ang lagi niyang sinasabi sa lahat ng kanyang mga sulat ukol sa paksang ito, bagama't may ilang bahagi sa kanyang liham ang mahirap unawain at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili. 17 Ngayong alam na ninyo ito, mga kapatid, mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ng mga masasamang tao, nang sa gayo'y hindi kayo matinag sa inyong matatag na kalagayan. 18 Sa halip, pagsikapan ninyong lumago sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman! Amen.[b]

Footnotes

  1. 2 Pedro 3:10 Sa ibang manuskrito malalantad o mawawala.
  2. 2 Pedro 3:18 Sa ibang mga manuskrito walang Amen.